Nagbabalik sina Olympian at SEA Games diving medalist Sheila Mae Perez at Ceseil Domenios hindi para muling sumabak sa national team bagkus para maging kasangga ng Philippine Sports Commission (PSC) sa paghahanap ng mga bagong atleta sa lalawigan para palakasin ang grassroots sports program ng pamahalaan.
Nakipagkita mismo ang tubong Davao City na sina Perez at Domenios kay PSC Chairman William “Butch” Ramirez upang ipahayag ang kanilang pagnanais na boluntaryong makatulong sa ahensiya para sa pagtuturo at pagsanay sa mga batang nagnanais na maging miyembro ng pambansang koponan sa darating na panahon.
“Lumapit kami kay PSC Chairman Butch para ipaalam ang pagnanais namin makatulong sa pagtuturo sa mga out-of-school youth at pati na rin sa lahat ng gustong matuto ng disiplina sa diving,” pahayag ni Perez, miyembro ng Special Operations Training School ng Philippine Coast Guard na nakabase sa Parola Compound.
“Gusto namin na makapagdebelop ng mga batang divers. Marami kami ngayon tinuturuan na matatapang na batang divers na hindi kayang magbayad sa pormal na swimming lessons. Meron din magagaling na batang divers dito at sa Davao, Sulu at Zamboanga pero hindi sila napapansin,” sambit ni Perez.
Tinanghal na kampeon sa sports si Perez noong 2003 at 2005 SEA Games. Ngunit, hindi na sumulong ang career ng dalawa bunsod na rin ng labis na pamumulitika sa swimming association.
Naging tampulan ng katatawan ang bansa sa 2015 Singapore SEA Games nang pumalpak ang mga bagitong diver na ipinadala ng Philippine Olympic Committee (POC) sa ayuda na rin ni swimming chief Mark Joseph. (Angie Oredo)