RIO DE JANEIRO – Sabak agad si Charly Suarez laban sa karibal na Briton, habang nakakuha ng ‘bye’ si Rogen Ladon sa opening day ng boxing event ng XXXI Olympiad dito.
Haharapin ng 27-anyos na si Suarez si Joseph Cordina ng Great Britain Sabado ng gabi (Linggo ng umaga sa Manila) sa men’s 60 kg. class.
Sakaling makalusot, sunod na lalabanan ni Suarez ang mananalo sa pagitan nina Hurshid Tojibaev ng Uzbekistan at Hakan Eresker ng Qatar sa ikalawang round sa Agosto 9.
May kabuuang 28 boxer ang sasabak sa bantamweight division.
Wala namang alalahanin si head coach Boy Velasco sa kaganapan ng isinagawang draw dahil sa katotohanan na pawang matitikas ang mga fighters na dumaan sa matinding qualifying round.
“Wala namang luck of the draw. Lahat ng makakalaban natin dito halos dumaan sa qualifiers,” ayon kay Velasco, nakatatandang kapatid ni Mansueto ‘Ontyok’ Velasco, ang huling Pinoy na nagwagi ng silver medal sa Olympics noong 1996 Atlanta Games.
“Minsan maganda na ‘yung maka-enkuwentro mo agad yung magagaling para pag nalusutan mo, mas magaan na yung susunod.”
Nakausad naman ang 22-anyos na si Ladon sa second round dahil sa ‘bye’ sa 49 kg. class. Haharapin niya ang magwawagi sa pagitan nina Samuel Carmona Heredia ng Colombia at Patrick Lourenco ng Brazil.