Kinumpirma kahapon ng Philippine Coast Guard (PCG) na nagpapatrulya na ngayon sa West Philippine Sea (WPS) ang dalawa sa mga search and rescue vessels (SARV) ng ahensiya.

Ayon kay PCG Spokesman Commander Armand Balilo, bukod sa BRP Pampanga, nagpapatrulya na rin ang BRP Nueva Vizcaya sa WPS, mula sa Maynila patungo sa Zambales.

Gayunman, hanggang sa 12-nautical-mile territorial limit lamang magpapatrulya ang dalawang barko.

Sinabi ni Balilo na ikinasa na rin ng PCG sa pagpapatrulya ang BRP Nueva Vizcaya upang magtuluy-tuloy ang sovereignty patrol sa WPS sakaling kailangang magkarga ng petrolyo ng BRP Pampanga.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Dagdag pa niya, magpapalitan kada limang araw ang 56 na metro ang habang BRP Pampanga at ang 35-metrong BRP Nueva Vizcaya sa pagsasagawa ng law enforcement patrol laban sa mga ilegal na nangingisda at iba pang ilegal na aktibidad sa lugar.

“They could go beyond the 12 nautical miles kapag may namataan at kailangang habulin,” sabi ni Balilo.

Ang deployment sa dalawang SARV ay bahagi ng pinaigting na pagpapatrulya ng PCG sa West Philippine Sea, sa bahagi ng Maynila at Subic sa Northern Luzon.

Sinabi pa ni Balilo na idadagdag din para magpatrulya sa lugar ang BRP Tubbataha, ang kauna-unahang multi-roll response vessel (MRRV) ng PCG na ipagkakaloob ng Japan sa Pilipinas sa Setyembre ngayong taon.

Bukod sa BRP Tubbataha, siyam pang MRRV ang ibibigay ng Japan sa PCG. (ARGYLL CYRUS GEDUCOS)