PALABAS na sa mga sinehan ang pinakaaabangang Suicide Squad, na tinatampukan ng grupo ng mga superhero na handang humarap sa lahat ng uri ng kaguluhan at krisis.
Sa pagbubukas sa mga sinehan nitong Biyernes ng Suicide Squad, iba-iba ang reaksiyon ng moviegoers, tagahanga man ng pelikula o ng comics.
Bago pa ipalabas ang Suicide Squad ay naglabasan na ang mga review tungkol dito. Binigyan ito ng Rotten Tomatoes ng average rating na 4.8 out of ten. Kabilang dito ang mahigit 170 review, na mahigit sa kalahati ang tumawag ng bulok sa pelikula.
Gayunman, dedma lang dito ang fans, na nagkaisa para lagdaan ang isang petisyon na humihiling na isara ang website.
Iniulat ng The Independent na halos 7,000 katao na ang lumagda sa nasabing petisyon.
Sa kabila nito, marami pa rin ang curious na mapanood ang pelikula, partikular na excited sa pagganap ng kani-kanilang paboritong artista sa isang naiibang karakter.
Sinabi ng Suicide Squad fan na si Lester na excited siya sa character ni Joker (Jared Leto), na sa pelikula ay magkakaroon ng romantic side. Ayon naman kay Michelle, inaabangan niya ang pagganap ni Margot Robbie (Harley Quinn) dahil ibang-iba ang karakter ng aktres sa pelikula kumpara sa ginampanan nito sa Focus noong 2015, na nagkataong co-star din si Will Smith (Deadshot).
Sa kabuuan, excited ang moviegoers dahil itinatampok sa Suicide Squad ang human side ng mga kontrabida.
Kasabay nito, mayroon din namang nag-aabang sa pelikula dahil sa umpisa pa man ay nakukulangan na sila sa kuwento nito.
“I’m not really a big fan of the film,” sabi ni Mariel “but, I like the characters individually.”
Ito rin ang opinyon ng iba pang nakapanood na sa Suicide Squad, sinabing kailangang tutukan ang bawat superhero upang maunawaan ang kuwento ng pelikula sa susunod na dalawang oras.
Bida rin sa pelikula, bilang bahagi ng Suicide Squad, sina Ben Affleck (Batman), Cara Delavingne (Enchantress), Jai Courtney (Captain Boomerang), Adewale Akinnuoye-Agbaje (Killer Croc), at maraming iba pa. (MB Online)