Bukod sa Chinese drug syndicates, kumikilos na rin sa loob ng bansa ang Mexican drug cartel, pagtiyak ni Pangulong Rodrigo Duterte.
“Is Mexico into us? Yes. The Sinaloa drug cartel of Mexico,” ayon kay Duterte sa speech nito sa courtesy call ng mga miyembro ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) sa Malacañang.
“Tayo ang transshipment. Kasi ini-interdict sila ng Amerika. They (Sinaloa) are active here. I’m telling you now. I will never, never, never, foist a lie. That is the truth,” dagdag pa ng Pangulo.
Dahil dito, nahaharap umano sa giyera laban sa ilegal na droga ang bansa.
Ang Sinaloa cartel ay pinakamalaking drug trafficking crime organization na kumikilos sa Mexico. Sangkot umano ito sa importasyon ng marijuana, heroin, cocaine at methamphetamine o shabu.
“I am not fighting a crisis, I am fighting a war,” ani Duterte na nanindigan sa kanyang kampanya laban sa ilegal na droga.
Sinabi pa ng Pangulo na hindi siya naniniwala na ang mga sumukong drug users na umaabot sa 700,000 sa buong bansa ay mga gumagamit lamang ng illegal drugs kundi mga pushers din.
“I have to exterminate the apparatus. Kapag ‘di ko natapos itong illegal drugs, walang Pilipinong presidente ang makatapos nito,” ani Duterte.
Sa latest data ng Philippine National Police (PNP), mula Hulyo 1 hanggang Agosto 3 ay umaabot na sa 420 ang napatay ng pulisya sa drug operations, nasa 5,735 naman ang naaresto. (Elena L. Aben at Beth Camia)