Magkaibang landas ang tinahok nina Pinoy cue artist Carlo Biado at Fil-Canadian Alex Pagulayan sa semifinals ng World 9-Ball Championship nitong Miyerkules, sa Al Arabi Sports Center sa Doha, Qatar.

Nabigo si Biado kay Ko Ping Chung ng Taipei, 9-11, upang maagang magpaalam sa korona, habang tinalo naman ni Pagulayan, bitbit ang Canada, si Muhammad Bewi ng Indonesia, 11-7.

Bahagyang nakahanap ng konsolasyon si Biado matapos namang talunin ng kakabayang si Pagulayan si Ko sa quarterfinals, 11-10, upang lumapit sa posibleng pagduplika sa kanyang unang tagumpay sa pagtapak sa semifinal round kontra Albin Ouschan ng Austria.

Matatandaang naiuwi ni Pagulayan ang World 9-ball Championship noong 2004.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Naghabol muna si Pagulayan sa 0-5 iskor bago naidikit ang laban at itabla sa 10-10. Sumablay si Ko sa isang long shot sa 2-ball na nagbigay tsansa kay Pagulayan upang ubusin ang lahat ng bola.

“I just want to relax. But I love playing 9-ball again. It brings a lot of enthusiasm, inspires me a little bit. I’m just taking it one game at a time and don’t take it too seriously,” sambit ni Pagulayan.

Sasagupain ni Pagulayan si Ouschan, nagwagi kay Jayson Shaw ng Great Britain, 11-7, sa quarterfinal match.

Maghaharap sina Shane Van Boening ng United States at Cheng Yu Hsuan ng Chinese Taipei sa isang hiwalay na semis duel. Tinalo ni Van Boening si Alexander Kazakis ng Greece, 11-9, habang nagwagi si Cheng kay Dennis Grabe ng Estonia, 11-3. (Angie Oredo)