Pinaghahanap ngayon ng pulisya ang 150 tauhan ni Kerwin Espinosa, ang anak ni Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa, Sr. at umano’y drug lord sa Eastern Visayas.
Target ng operasyon ng Police Regional Office (PRO)-8 ang bayan ng Albuera at mga karatig na lugar sa Leyte na pinaniniwalaang pinagkukutaan ng mga tauhan ni Kerwin.
Partikular na kumikilos ang mga tauhan ng Albuera Municipal Police, sa pangunguna ni Chief Insp. Jovie Espinido, upang tugisin ang isa sa mga nasugatan sa engkuwentro sa bahay ng alkalde sa Barangay Benolho nitong Miyerkules ng umaga, na ngayon ay nagtatago na umano sa Tacloban City.
Matatandaang anim sa mga tauhan ni Kerwin ang napatay sa nasabing sagupaan, at nakumpiska rin ng awtoridad ang aabot sa 13 matataas na kalibre ng baril.
Inilagay sa full alert ang mga tauhan ng PRO-8 laban sa nasabing grupo ng mga tauhan ni Kerwin na pawang armado ng matataas na kalibre ng baril.
SUSUKO NA
Kasabay nito, iniulat kahapon ng media ang pagkumpirma ni Philippine National Police (PNP) Chief Director Gen. Ronald “Bato” Dela Rosa na nagpadala na ng surrender feelers si Kerwin, sa pamamagitan ng ama nitong alkalde.
Magugunitang umiiyak na nanawagan nitong Miyerkules ang mayor sa anak na sumuko na lang sa awtoridad.
Ito ay kasunod ng pagkumpirma kahapon ng Bureau of Immigration (BI) na Hunyo 20 pa nakalabas ng bansa si Kerwin patungong Malaysia.
Sinabi naman ni Atty. Antonette Mangrobang, tagapagsalita ng BI, na walang record kung nakabalik na sa bansa ang nakababatang Espinosa.
WALANG LUSOT
Samantala, kahit pa sumuko sa pulisya at umaming sangkot ang anak sa malalaking transaksiyon ng droga sa Eastern Visayas, sinabi ni Dela Rosa na hindi pa rin makaliligtas si Mayor Espinosa sa parusa.
Sinabi ni Dela Rosa na maaari pa ngang magamit na ebidensiya laban sa alkalde ang affidavit na isinumite nito sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) nitong Miyerkules.
Aniya, maaaring isumite ang affidavit ng mayor sa Department of the Interior and Local Government (DILG) para masampahan ng kasong administratibo ang opisyal.
‘DI ‘NARCO-MAYORS’
Sa Maguindanao, tatlong alkalde ang personal na nagtungo sa headquarters ng Police Regional Office-Autonomous Region in Muslim Mindanao (PRO-ARMM) upang itanggi ang akusasyong sangkot sila sa ilegal na droga.
Sinabi ni Chief Insp. Ronald de Leon, tagapagsalita ng PRO-ARMM, na kasama nina Ampatuan Mayor Rasul Sangki, Talitay Mayor Montaser Sabal, at Datu Piang Mayor Genjuine Kamaong nang lumantad sa headquarters ng PRO-ARMM sa Parang, Maguindanao si Atty. Kirby Abdullah, director ng DILG-ARMM. (FER TABOY, AARON RECUENCO at LEO DIAZ)