“Nagbagong buhay na ‘yun! May trabaho na! Nakakaipon na ‘yun. Kasi ang inaano (tinutustusan) niya anak niya….”
Ito ang naghihinagpis na pahayag ng isang ina nang mapatay ng mga pulis ang kanyang anak matapos umanong manlaban sa isang buy-bust operation ng Manila Police District (MPD) sa Sta. Mesa, Manila, kahapon ng madaling araw.
Dead on the spot si Aaron Joseph Paular, 24, construction worker, miyembro umano ng “Bahala na Gang” at residente ng Zamora Interlink, Sta. Mesa, Manila.
Sa ulat ni homicide investigator SPO2 Charles Duran, nabatid na dakong 12:01 ng madaling araw ikinasa ng MPD-Station 8 ang buy-bust operation laban kay Paular.
Sa imbestigasyon, lumilitaw na isang pulis ang nagpanggap na bibili ng shabu kay Paular na nagkakahalaga ng P800.
Nakatunog umano ang suspek at napansin ang back up na operatiba na si SPO1 Jonathan Rojas.
Kaagad umanong bumunot ng baril si Paular at binaril si SPO1 Rojas, na tinamaan sa kanyang suot na protective bullet vest, bago tuluyang kumaripas.
Nagkahabulan si Paular at ang mga pulis hanggang sa makorner ang una na tinangka pa umanong i-hostage ang isang sanggol.
Sa sandaling iyon ay rumesponde na ang ilan pa sa mga awtoridad at nagkabarilan na naging sanhi ng pagkamatay ng suspek.
Narekober ng mga pulis mula kay Paular ang isang granada, isang .38 kalibre na baril, limang empty shell at limang plastic sachet ng hinihinalang shabu. (Mary Ann Santiago)