CHARO copy

TAYMING na tayming sa current events ang Life Songs With Charo Santos, ang Maalaala Mo Kaya 25th anniversary commemorative album na inilabas ng Star Music.

Sa panahon na lahat tayo naliligalig sa mga nangyayari at kabado sa kaligtasan ng ating mga mahal sa buhay, may bagong advocacy si Charo Santos para maghatid ng bagong inspirasyon o para muling maipa-realize sa atin ang kahalahagan ng bawat isa.

Napakinggan na namin ang buong album kahapon at naisip na kung lahat ng top executives ng mass media outfits sa buong bansa ay magkakaroon ng puso o advocacy ni Charo Santos, tiyak na hindi maliligaw ang Pilipinas patungo sa kalagayan na noon pa pinapangarap ng mga Pilipino.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Kapag may bagong campaign ang ABS-CBN, parang ordinary lang kapag inilulunsad, para sa mga kumokober na tulad namin.

Pero kapag umuuwi kami sa probinsiya, lalo na kung Pasko, at kinakanta ng mga batang choir at ng buong komunidad ang kanilang Christmas anthem, saka lang namin naa-appreciate ang lahat.

Pero inaasahan na namin ang magiging magnitude ng Life Songs na walang tapon, wika nga, ang laman ng album na pawang uplifting at inspirational.

Marami ang kasaling singers sa Life Songs pero saka na namin sila isusulat, ilalaan muna namin ang item na ito para sa umbrella theme ng project, ang kantang ginawa para sa tulang Desiderata ni Max Ehrmann na ayon kay Charo ay una niyang nabasa noong high school siya. Nagsama-sama sina Lea Salonga, Sharon Cuneta, Martin Nievera, Gary Valenciano, Lani Misalucha, Ogie Alcasid, Zsa Zsa Padilla at Sharon Cuneta sa awiting ito na may translation ng Desiderata na binigkas ni Charo.

Marami na kaming nabasang Tagalog translation ng Desiderata, pero itong napakaingat na salin ni Enrico Santos ang pinakamaganda:

Lumakad ng matatag sa ingay man o kasagsagan, taglay ng iyong puso ang angking katahimikan. Hangga’t makakaya, magbabang-loob ka sa lahat ng tao, pero huwag isuko ang prinsipyo. Laging sabihin ang totoo, ng mahinahon at malinaw, at makinig sa kapwa. Kahit mangmang o ‘di nag-aral, lahat tayo may sariling kuwento.

Iwasan ang mga hambog at mapupusok, dala nila ay ligalig sa puso. Kung ihahambing mo ang sarili sa iba, baka ka lang yumabang o mainggit. Dahil laging may taong mas mataas o mas mababa kaysa sa ‘yo.

Magpasalamat sa iyong mga narating, at paghandaan ang iyong kinabukasan. Magsumikap sa trabaho, anumang simple nito.

Ang hanapbuhay ay haligi, sa pabagu-bagong ihip ng panahon. Maging mahinahon pagdating sa kalakal, ang mundo ay puno ng mga manloloko. Pero huwag namang ipikit ang mga mata sa kabutihan ng tao, marami sa ating ang namumuhay na may prinsipyo. At kahit saan, may mga bayani.

Huwag patigasin ang puso, dahil sa harap ng lungkot at kabiguan, pag-ibig ang may kapangyarihan sa langit at lupa.

Pakinggan ang payo ng panahon. Masaya mong isuko ang mga ligaya ng kabataan. Patibayin ang iyong loob sa harap ng mga unos, ‘wag patalo sa mga pangamba. Marami sa ating mga takot ay dala ng hapo at pangungulila. Sa gitna ng iyong sikap, pagod, at tiyaga, mahalin mo pa rin ang iyong sarili.

Kaya laging tumingala sa Diyos, anuman ang pagkilala mo sa Kanya, at anuman ang iyong ipinaglalaban at sinisikap maabot. Sa magulo at masigalot na buhay, palaging mapayapa ang iyong kalooban.

Sa kabila ng kabiguan, dagok, at wasak na pangarap, maganda pa rin ang ating mundo. Lagi kang mag-iingat. Hanapin mo ang iyong ligaya. (DINDO M. BALARES)