4flag copyRIO DE JANEIRO – Nagwawagayway na ang bandila ng bansa sa Rio. At handa na ang 12-man Philippine Team para sa pinakamalaking laban sa kanilang athletic career.

Pormal na napabilang ang maliit na delegasyon ng bansa nang itaas ang watawat sa loob ng Athletes Village sa isang payak na seremonya na pinangunahan ni two-time Olympic medalist Janeth Arcian, ang mayor ng Athletes Village.

Nakasaludo at ang iba’y nakahawak sa kanilang kaliwang dibdib ang may 20 Pilipino, sa pangunguna nina three-time Olympian Hidilyn Diaz ng weightlifting at Sea Games long jump champion Marestella Torres-Sunang nang itaas ang bandila ng bansa at pormal nang napahanay sa iba pang bansang kalahok sa quadrennial games na magsisimula sa Agosto 5.

Ipinadama ni Arcain, bronze at silver medalist bilang miyembro ng Brazilian women’s basketball team noong 1996 at 2000 Olympics, ang mainit na pagtanggap sa delegasyon sa Athletes Village na magsisilbing tahanan ng mga Pilipino sa susunod na dalawang linggo.

'Iconic women!' Pinakamalaki at pinakamaliit na babae sa buong mundo, nagkita!

Hinikayat din niya ang atletang Pinoy na makipagtagisan sa tamang pamamaraan.

“Fair play is the most important thing in the field of play,” sambit ni Arcain.

Kabilang din sa delegasyon na nakiisa sa programa sina chef-de-mission Jose Romasanta at Philippine Olympic Committee (POC) officials Col. Jeff Tamayo at Julian Camacho.

Bilang regalo, binigyan ng delegasyon si Arcain ng isang replica ng Philippine jeepney bilang pasalubong.

“To begin with it started officially the entry and participation of the Philippine delegation in this Rio Oympics,” pahayag ni Romasanta.

Ikinatuwa naman ni Arcain ang regalo ng Pinoy, higit ang kasuutang Filipiniana ng delegasyon sa programa.

“It’s like we were not treating the event formally. It’s the raising of the Philippine flag and we should represent our flag the way we should.”

“Now everybody knows that they’re a part of it – from the athletes to the officials. They are part of this Olympics. The next thing now is for them to compete,” aniya.

Maging ang ibang dayuhang kalahok ay humanga sa kasuutan ng Pinoy.

“Definitely we made an impression in treating this as something very important. We showed everybody our national costume.”

“We stole the show. We were very formal and at the same time we were festive,” aniya.