KASUNOD ng Mexico, Asia ang pinakananganganib sakaling maging pangulo ng Amerika si Trump, ayon sa investor survey na isinagawa ng Nomura Holdings ng Japan. At ang South Korea at ang Pilipinas ang pinakananganganib sa Asia, ayon sa report.
Ang pagtukoy sa Mexico bilang pinakalantad sa panganib sakaling mahalal na presidente ng United States si Donald ay may kinalaman sa naunang banta ng pambato ng Republicans na magtatayo ng pader sa hangganan ng dalawang bansa upang maitaboy, aniya, ang maraming Mexican na gangsters, durugista at rapist. Sinabi niyang magtatayo siya ng pader at sisingilin ang Mexico sa gagastusin, ngunit naniniwala ang iba na retorikang pulitikal lamang ito na inaakalang kakagatin ng maraming botanteng Amerikano na nangangamba sa pagdagsa ng maraming immigrant mula sa South at Central America.
Ang banta sa Asia ay nagmula sa paulit-ulit na pangako ni Trump na maghihigpit sa pakikipagkalakalan upang protektahan ang mga industriya sa Amerika para magkaloob ng trabaho sa mga Amerikano. Pinakananganganib sa Asia ang South Korea at Pilipinas. Binatikos ni Trump ang isang kasunduang pangkalakalan sa Korea noong 2012 na, ayon sa kanya, ay sumira sa 100,000 trabaho para sa mga Amerikano. Nagbanta rin siyang pupuwersahin ang nabanggit na bansa upang sagutin ang kabuuang gastusin ng garantiya sa seguridad na ipinagkakaloob ngayon ng Amerika.
Ang banta sa Pilipinas ay kaugnay naman ng pangako ni Trump na ibabalik ang mga trabaho sa Amerika, na malaking banta naman sa sumisiglang industriya ng business process outsourcing sa Pilipinas, na karamihan ay nagsisilbi sa mga kumpanya sa Amerika. Karamihan sa mga overseas Filipino worker (OFW) —35 porsiyento—ay nasa Amerika rin at ang perang ipinadadala nila sa bansa ang bumubuo sa 31 porsiyento ng kabuuan ng mga remittance, ang pangunahing pinagmumulan ng dolyar ng bansa.
Makakalaban ng Republican candidate na si Trump ang pambato ng Democrats na si Hillary Clinton sa halalan sa Nobyembre, at bagamat pumapangalawa lang siya kay Clinton sa mga presidential survey, nagdulot ng pangamba sa maraming sulok ng mundo ang kanyang kandidatura, kabilang ang mga kaalyado ng Amerika sa Europa. Nagbanta siyang pagbabayarin ang Europa sa sarili nitong depensa, tatalikuran ang ilang dekada nang pangako ng Amerika na ipagtatanggol ang mga kaalyado nitong European laban sa banta ng mga komunista, at ngayon sa mga teroristang pag-atake.
Gaya ng dapat asahan, pinili ng mga Latino, Asyano at black population sa Amerika ang suportahan ang pambato ng Democrats habang mistula namang matindi ang suporta kay Trump ng mga lalaki at puting botante. Gayunman, wala pang katiyakan sa magiging resulta ng eleksiyon sa Nobyembre.
Ang tanging magagawa natin ay mag-antabay at buong tiyagang maghintay habang nagpapatuloy ang kampanya para sa pagpili ng susunod na presidente ng Amerika, na may matagal nang kasaysayan ng malapit na ugnayan ng gobyerno-sa-gobyerno at mamamayan-sa-mamamayan sa Pilipinas.