Nabaril at napatay ng mga pulis ang isang motorista, na una nilang sinita dahil wala itong suot na helmet, matapos umano silang paputukan ng baril sa Sampaloc, Manila kahapon ng madaling araw.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng suspek na inilarawan na nasa edad 30, miyembro ng “Bahala na Gang”, katamtaman ang pangangatawan, may tattoo na “Tino” sa kaliwang braso, “Suwail” sa kanang braso, at “Romy” sa likod.

Batay sa ulat ni SPO4 Glenzor Vallejo, imbestigador ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, nabatid na naganap ang insidente dakong 2:10 ng madaling araw sa Matimyas St., malapit sa kanto ng Josefina St., sa Sampaloc.

Nauna rito, nagsagawa ng anti-criminality campaign sa Matimyas Street ang mga elemento ng CALABASH Police Community Precinct (PCP), sa pangunguna ni Police Senior Inspector Ariel Ilagan, nang mapansin na walang helmet ang suspek, gayundin ang nagmamaneho ng motorsiklo.

Pag-akto ni VP Sara bilang 'legal counsel' ni Lopez, 'unconstitutional'-Rep.Chua

Dahil dito, pinara ng mga pulis at sinita ang mga suspek ngunit sa halip na lumapit sa mga pulis ay bumaba ang suspek, na siyang nakaangkas sa motorsiklo, at bumunot ng baril at pinaputukan ang mga pulis.

Napilitan namang magpaputok ang mga pulis at tinamaan ni PO1 Julius Jamero ang suspek na naging sanhi ng pagkamatay nito.

Nang makitang bumulagta ang kanyang kasamahan, mabilis namang pinaharurot ng isa pang suspek ang sinasakyang motorsiklo upang makatakas. (Mary Ann Santiago)