Isang hindi kilalang holdaper ang bumulagta sa pakikipaglaban sa mga pulis kahapon ng umaga, sa Quezon City.
Ayon sa Quezon City Police District (QCPD), ang hindi kilalang holdaper ay napatay sa engkuwentro sa pagitan ng mga operatiba ng Kamuning Police Station (PS-10), sa kahabaan ng NIA Road sa Barangay Pinyahan dakong 3:20 ng madaling araw.
Bago mangyari iyon, si Annabell Arieta, isang call center agent ng Bgy. Tatalon, ay naghihintay ng masasakyan pauwi sa Quezon Avenue nang dakmain ng suspek ang kanyang leeg at tutukan ng baril at nagdeklara ng holdap.
Pasimple umanong itinago ni Arieta ang kanyang backpack na naglalaman ng P2,000 cash, cellphone at personal na gamit mula sa suspek na matapos ang insidente ay dahan-dahang naglakad at tumakas.
Habang ang biktima ay nagtatakbo papalayo hanggang sa makasalubong niya ang mga nagpapatrulyang pulis at hiningan ng tulong. Agad naman humingi ng tulong ang mga pulis sa PS-10.
Natunton ng mga operatiba ng PS-10 ang suspek na bitbit-bitbit pa ang bag ng suspek sa NIA Road.
Ngunit sa halip na sumuko, binunot ng suspek ang kanyang baril at pinaputukan ang mga pulis.
Hindi naman nagpatinag ang mga pulis at sunud-sunod na pinaputukan ang suspek na nagtamo ng tama sa mukha at tatlong tama sa katawan. (Vanne Elaine P. Terrazola)