CHARO AT LAV DIAZ copy

PASOK sa main competition section ng Venice International Film Festival ang pelikulang Ang Babaeng Humayo (The Woman Who Left) sa Italy. Gaganapin ang 73rd edition ng naturang international film festival simula Agosto 31 hanggang Setyembre 10.

Sa pagkakapili ng pelikula sa main competition, kuwalipikado na rin ito for the top honors (i.e. direction, acting & technical category).

Ang Ang Babaeng Humayo (The Woman Who Left) ay comeback movie ng Maalaala Mo Kaya host at dating presidente ng ABS-CBN na si Charo Santos-Concio at mula sa direksiyon ng henyo at internationally-acclaimed Filipino filmmaker na si Lav Diaz.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Ang Venice International Film Festival ay itinuturing na isa sa Top 3, A-list film festivals sa buong mundo, kahanay ng Cannes International Film Festival (France) at Berlin International Film Festival (Germany).

Ang Ang Babaeng Humayo (The Woman Who Left) ay lone Philippine at Asian entry na kabilang din sa mga bituin sina John Lloyd Cruz, mag-asawang Noni at Shamaine Buencamino, Cacai Bautista, at Michael de Mesa.

Ang ilan sa mabibigat na makakatunggali ng naturang pelikula ay mula sa USA: The Bad Batch ni Ana Lily Amirpour, pinagbibidahan nina Keanu Reeves at Jim Carrey; La La Land, mula sa direksiyon ni Damien Chazelle, bida naman sina Ryan Gosling at Emma Stone; Nocturnal Animals, topbilled nina Jake Gyllenhaal at Amy Adams at directed by Tom Ford; at The Light Between Oceans ni Derek Cianfrance, pinagbibidahan nina Michael Fassbender at Alicia Vikander.

Bukod sa mga nabanggit na pelikula mula sa Amerika, official entries din sa main competition section ang mga pelikulang gawa mula sa Italy, Spain, Argentina, Serbia, Germany, Mexico, Switzerland, Belgium, Russia, at maraming iba pa.

Huling napanood si Charo sa Esperanza The Movie noong 1999, at idinirehe ni Jerry Sineneng. Sa 1978 Asian Film Festival, naiuwi ng dating Kapamilya bigwig ang karangalan bilang best actress sa pelikulang Itim ni Mike de Leon.

Will Charo score a best actress at Venice International Film Festival tulad ng sorpresang iniuwi ni Jaclyn Jose sa Ma’Rosa sa 2016 Cannes Filmfest? Abangan! (LITO MAÑAGO)