BAHAGI na ng political history ng Pilipinas na tuwing huling Lunes ng Hulyo ginaganap ang State of the Nation Address (SONA) ng pangulo ng bansa sa isang joint session ng Kongreso at Senado. Itinuturing na natatanging pangyayari sa kasaysayan ng ating Bayang Magiliw.

Ang SONA ng pangulo ay taunang ritwal sa Kongreso kung saan inilalahad ng pangulo ng Pilipinas ang tunay na kalagayan ng bansa. Ngayong ika-25 ng Hulyo, higit na mahalaga sapagkat gagawin sa joint session ng Kongreso ang unang SONA ni Pangulong Rodrigo Dutrete bilang ika-16 na Pangulo ng Pilipinas.

Isang linggo bago sumapit ang unang SONA ni Pangulong Duterte, inihayag ng tagapagsalita ng tambolero ng Malacañang na magiging simple lamang ang SONA ng ating bagong Pangulo.

Maging ang pondo para sa pagkain ng mga bisita ng Pangulo ay binawasan. Ang premyadong direktor sa pelikula na si Brillante Mendoza ang pinili ng Malacañang na mamahala sa television coverage ng SONA.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Sa nakalipas na SONA ng mga naging pangulo ng bansa, kapansin-pansin noon na ang mga miyembro ng dalawang kapulungan ay nagpapatahi ng kanilang magagarang kasuotan. Nagsusuot ng mamahaling alahas at iba pang borloloy sa katawan ang mga babaeng miyembro ng kapulungan. Ang mga senador at congressman ay nagsusuot ng mamahaling barong na talagang kagalang-galang tingnan. Biro noon ng iba nating kababayan sa napakagandang suot na barong, hindi halata na ang iba sa mga mambabatas ay mga tulisan at mandarambong ng pondo ng bayan.

Tulad ng iba pang dumadalo sa SONA, gaya ng mga alagad ng simbahan, mga cabinet member, foreign dignitary at iba pang panauhin, sila’y makikiisa sa pagbibigay ng malakas, matunog at pakunwaring palakpak sa mga sinasabi ng pangulo.

May katotohanan o pabibilog man ito ng ulo o pagsisinungaling.

Sa SONA ng mga naging pangulo ng Pilipinas ay karaniwang inaabot ng mahigit isang oras. Tampok sa kanilang talumpati ang kanilang mga nagawa bilang pangulo ng ating bansa. Tumutukoy sa iba’t ibang antas ng paglilingkod sa sambayanan.

Sa ekonomiya, edukasyon, kalusugan, pagsasaka, imprastruktura, pabahay, pagkain, irigasyon, sa programang pangsakahan, enerhiya, farm to market road, hanapbuhay at iba pang antas ng serbisyo na mamamayan ang nakinabang.

Ang SONA ay isa ring magandang pagkakataon upang ilahad ng Pangulo ang kanyang mga bibigyang prayoridad at mga gagawing reporma. (Clemen Bautista)