Naisalba ni Wei Wei Gao ang huling dalawang hole para magapi si Brendan Hansen ng US, 3 & 2, nitong Huwebes (Biyernes sa Manila) at makausad sa quarterfinals ng US Junior Amateur Match Play sa The Honors Course, sa Ooltewah, Tennessee.

Nagsilbing pampalubag-loob ang panalo ni Gao, matapos masalanta ang kanyang mga kasangga sa US Girls’ Junior na ginaganap sa New Jersey.

Umarya ang 16-anyos mula sa Cebu City, ikapito sa 36-hole stroke play elimination, nang gapiin si Korean Joseph Chun sa Round-of-32 bago ang malaking panalo sa Round-of-16.

Sunod na haharapin ng Alta Vista Golf and Country Club member ang second seed na si Eugene Hong ng Florida, nagwagi kina Davis Shore sa last 32 at Austin Coggin ng Alabama, 5&4.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Hindi naman kinasiyahan ng buwenas sina Pinay Yuka Saso, Annika Cedo at Lois Go sa kani-kanilang laro sa Round-of-32.

Nabitiwan ni Saso ang 2-up bentahe sa unang anim na hole kontra Grace St. Germain para sa 1-up na kabiguan.

Tangan ni Cedo ang 1-up na bentahe sakabila ng naiskor na bogey sa No. 11, ngunit nagawang ma-birdie ni Chinese Jing Wen Lu ang sumunod na dalawang round at naipanalo ang No. 15 at No.16 hole para sa 3&2 panalo.

Natalo naman si Go kay Korean Yujeong Son, 6 & 5.