LONDON (AP) — May karagdagang 45 atleta, kabilang ang 31 medalist, ang nagpositibo sa droga sa ginawang re-testing sa kanilang samples mula sa huling dalawang Olympics, ayon sa International Olympic Committee (IOC) nitong Biyernes (Sabado sa Manila).

Bunsod nito, umabot sa kabuuang 98 ang bilang ng mga atleta na pumaltos sa isinasagawang re-analysis sa mga nakaimbak na samples ng mga atleta na sumabak sa 2008 Beijing at 2012 London Games.

Ayon sa IOC, 23 medalist ang mula sa Beijing edition at walo ang sumabak sa London. Walang pangalan na ipinahayag ang IOC.

Sa hiwalay na pahayag nitong Biyernes, binawi ng IOC ang silver medal kay Turkish weightlifter Sibel Ozkan na napagwagian sa Beijing matapos magpositibo ang kanyang samples sa steroids.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Nahaharap ang 28-anyos na lifter sa posibleng suspensyon mula sa International Weightlifting Federation.

Si Ozkan ang ikalawang atleta na pormal na binawian ng medalya ng IOC bunsod ng re-testing program. Nauna rito, nagpositibo sa steroid turinabol si Ukrainian weightlifter Yulia Kalina, sapat para bawiin ang bronze medal na napagwagian niya sa London Games.

“All athletes found to have infringed the anti-doping rules will be banned from competing” at the Rio Games,” pahayag ng IOC.