Bibigyang-daan ng Visa Inc., operator ng pinakamalalaking payment network sa mundo, ang paglahok ng 10 miyembro ng International Olympic Committee (IOC) refugee team, sa Rio Olympics.
Isinulong ng IOC ang partisipasyon ng koponan nitong Hunyo para mabigyan ng pagkakataon ang mga atletang nagsilisan sa kanilang mga bansa na maipamalas ang kanilang husay at galing. Ang Visa ang unang korporasyon na nagtaguyod sa Refugee athletes.
Makikipaglaban ang mga atleta na binubuo ng anim na lalaki at apat na babae sa swimming, judo at athletics. Paparada sila sa ilalim ng Olympic flag sa Rio Games na nakatakda sa Agosto 5-21.
Binubuo ang pangkat ng limang atleta mula South Sudan, dalawa mula Syria at dalawa naman galing sa Democratic Republic of Congo at isa mula sa Ethiopia. Dapat ang lahat ay may opisyal na refugee status, ayon sa United Nations.
Ayon kay Chris Curtin, Visa’s chief marketing innovation and brand officer, ang pagtulong sa mga refugee na makalaro ay kaparehas ng konsepto na ibinibida ng kumpanya sa kanilang Olympic Ad campaign.
Nakikipagtulungan ang Visa sa 60 Olympians at Paralympians bago pa man ang Rio, kasama ang U.S. athlete na sinaMissy Franklin na isang swimmer, beach volleyball player Kerri Walsh Jennings at Ashton Eaton na nanalo ng gintong medalya sa decathlon.
Noong nakaraan, nag-anunsyo ang Visa ng kanilang kontrata kay Yusra Mardini, isang elite swimmer na umalis ng Syria noong Agosto. Lumangoy si Mardini at ang kanyang kapatid nang halos tatlong oras sa dagat upang makarating sa Greece matapos tumaob ang kanilang sinasakyan na maliit na bangka. Nakatulong siya na higit sa dosenang tao na nakaligtas sa trahedya.
Kasalukuyang nag-eensayo sa Germany si Mardini. Naglabas ng larawan ni Mardini ang Visa sa Facebook page na may nakasulat na “Accept me because I’ve swum against the current to get where I belong.”
(Isinalin ni Lorenzo Jose Nicolas)