ANKARA (AFP) – Nagdeklara si Turkish President Recep Tayyip Erdogan nitong Miyerkules ng tatlong buwang state of emergency, at sumumpang tutugisin ang ‘’terrorist’’ group na nasa likod ng madugong coup attempt noong nakaraang linggo.
Inakusahan niya ang kanyang kalaban, ang US-based cleric na si Fethullah Gulen, na nasa likod ng kudeta na nagbunga ng sunod-sunod na mga pag-aaresto sa halo 50,000 katao na at pagkakasibak ng mga pinaghihinalaang kasabwat nito.
Kailangan ang state of emergency ‘’in order to remove swiftly all the elements of the terrorist organisation involved in the coup attempt,’’ pahayag ni Erdogan sa presidential palace sa Ankara.
Inanunsiyo niya ito kasunod ng mahahabang pakikipagpulong sa national security council at cabinet sa presidential palace.
Nababahala na ang mundo sa mga pag-aaresto o pagsibak ng Turkish authorities sa mga sundalo, pulis, hukom, at iba pang civil servant kasunod ng nabigong kudeta ng mga rebeldeng grupo noong Hulyo 15 .
Bago nito, binanatan ng Turkish leader ang mga kritiko ng malawakang pagpupurga, sinabihan si France Foreign Minister Jean-Marc Ayrault -- na nagbabala kay Erdogan na huwag gamitin ang bigong kudeta bilang ‘’blank cheque’’ upang patahimikin ang mga kalaban nito -- na ‘’mind [your] own business’’.
Nagpahayag si US Secretary of State John Kerry noong Miyerkules, katabi ang iba pang kaalyadong foreign minister, na kinokondena man nila ang kudeta ngunit mahalagang igalang ang demokrasya sa pagtugon dito.
Naging direkta naman ang tagapagsalita ni German Chancellor Angela Merkel, sinabi sa Turkey na ‘’nearly every day we are seeing new measures that flout the rule of law and that disregard the principle of proportionality’’.
Iginiit ni Erdogan sa panayam ng Al-Jazeera na ang mga pag-aresto at suspensiyon ay naaayon sa batas, idinagdag na ‘’of course that does not mean we have come to the end of it’’.