Iginiit kahapon ni Parañaque City Mayor Edwin Olivarez kay Philippine National Police (PNP) Chief Director Gen. Ronald “Bato” Dela Rosa na agad sibakin ang apat na pulis na sinasabing nangongotong sa mga vendor sa Baclaran, Redemptorist Church.
Natanggap ni Olivarez ang sumbong ng presidente ng Vendors Association sa Baclaran na pinipilit silang magbigay ng “advance protection money” sa sinasabing “major” na lider ng “kotong” cops.
Iniutos umano ng kotong cops na nararapat na magbigay ng advance na P100,000 para sa buwan ng Hulyo ang bawat lider ng vendor’s accociation dahil ito ang “direktiba” sa kanila ng mga “amo” sa Southern Police District Office.
Halos 12 asosasyon ng mga vendor ang nasa Baclaran, kasama na ang mga Muslim mula sa Marawi, mga negosyanteng dayuhan sa China at Taiwan, pero ang iba rito ay walang kaukulang immigration papers para magnegosyo.
Sa sumbong ng mga tindero’t tindera sa alkalde, nag-aabot sila ng lingguhang tong na umaabot sa P2 milyong piso kada buwan sa tinaguriang “Baclaran 7” kaya hindi sila mapaalis sa kani-kanilang mga puwesto. Ang tumatayong lider ng Baclaran 7 ay sinasabing dating empleyado ng Bureau of Immigration (BI).
Ang mga unipormadong pulis na umiikot at pasimpleng humihingi ng “advance payment” sa vendors ay mga bagong mukha subalit kaya umano nilang ituro kay Dela Rosa kung kakailanganin.
Kuwento pa ng mga vendor kay Olivarez nitong Biyernes, pinagmumura at sinagawan nila ang kotong cops na nagpupumilit humingi ng monthly tong kaya napilitang lumayas at sumakay ang mga ito sa isang pribadong sasakyan.
Pakiusap ni Olivarez kay Dela Rosa, bumuo na ng isang task force na mag-iimbestiga sa police scalawags na sangkot sa pangongotong at kung mapatunayan ay ilipat sa Mindanao o sibakin sa serbisyo. (bella gamotea)