Isang batalyon ng Special Action Force (SAF) ang nakatakdang magbantay sa New Bilibid Prison (NBP) bilang bahagi ng pagbabago at mas pinaigting na seguridad sa nasabing piitan.
Ito ang inihayag ni PNP chief Director General Ronald Dela Rosa na nagsabing layunin nito na tuluyan nang masupil ang laganap na kalakalan ng ilegal na droga sa loob ng NBP.
Sinabi ni Dela Rosa, may 500 tauhan ang bumubuo sa isang batalyon na ipadadala pero umaabot lamang muna sa 100 tauhan ng SAF ang inisyal na itatalaga sa buwan ng Agosto, kasabay ng pagsisimula ng panunungkulan ng bagong hepe ng Bureau of Corrections (BuCor) na si Marine Maj. Gen. Alexander Balutan.
Ayon kay Dela Rosa, ang hakbang na ito ay alinsunod na rin sa hiling ng Department of Justice (DoJ) na matulungan sila ng mga tauhan ng Philippine Marines sa seguridad sa Bilibid. (Beth Camia)