NAIS ni Pangulong Duterte na ngayon pa lang ay binabalangkas na ang magiging pigura ng Saligang Batas ayon sa pagbabago na nais niyang mangyari. Isa sa mga pagbabago na nais niyang mangyari ay ang isinulong niyang federalism at pagbabalik ng parusang kamatayan. Napapanahon na para baguhin ang Konstitusyon, ayon kay Senate President Franklin Drilon. May mga probisyon na raw itong dapat pag-aralan kung nakatutulong pa ang mga ito sa layuning mapaunlad at maging mapayapa ang bansa. Mahigit tatlumpu’t limang taon na ang nakararaan nang maging epektibo ito. Reaksiyon daw ito ng mamamayan sa naging masamang bunga ng martial law sa bansa.
Kung ang Saligang Batas ay resulta ng hirap at kaapihang dinanas ng taumbayan sa ilalim ng martial law, hindi ko nakikita kung bakit kailangan pang baguhin ito. Ang mga pinakamatinding problema ay naranasan ng mamamayan sa ilalim ng martial law. Sa ilalim nito, isang tao ang nagdikta kung ano ang nararapat para sa lahat. Hindi niya pinakinggan ang reklamo ng mga taong nakaranas ng hirap sa mga patakarang ipinatupad niya. Inangkin niya ang gobyerno na dapat ay instrumento ng taumbayan para sa kanilang ikabubuti. Ginamit niya ito para sa kanyang sariling kapakanan. Ang salapi ng bayan na dapat ikinakalat para pakinabangan, lahat ay sinarili niya.
Dahil dito, naghirap ang sambayanan. Sa kanilang kagutuman, dumaing sila. Ang naging kasagutan ay ang kanyang kamay na bakal. Naging matindi ang kanyang paglabag sa karapatang pantao ng mamamayan. Bumaha ng dugo at luha sa bansa sa panahong iyon. Ayaw nating bumalik ang panahong ito sa buhay natin bilang mamamayan at bansa, kaya nilikha natin ang Saligang Batas. Kung pinakamahirap na problema ang nilapatan nito ng lunas, bakit hindi malalapatan nito ng lunas ang lahat pang problema na darating sa ating buhay? Balewala ang ninanais nating lutasin sa layuning baguhin natin ito ngayon.
Ang dahilan ng pagkakaisa at pagmamahalan ng mamamayan sa isa’t isa pagkatapos nilang maigupo ang taong umapi sa kanila ay isinulat sa dugo sa ating Saligang Batas, kaya nga inalis ang parusang kamatayan. Ang malaking problema ay ito lang ang pinairal. Hindi pinairal ang Saligang Batas sa kanyang kubunan. May mga probisyong itong ipinaubaya sa mga mambabatas ang pagpapatupad tulad ng tunay na reporma sa lupa at industriyalisasyon na wawasak sana sa kahirapan.
May mga probisyong itong nilabag para sa kanilang sariling interes gaya ng political dynasty.
Pairalin natin ng buo ang Saligang Batas saka natin tingnan kung dapat itong baguhin. (Ric Valmonte)