Nagwagi ang Philippine women’s softball team Blu Girls sa Czech Republic, 3-2, subalit agad din nabigo kontra Venezuela, 1-3, sa huling araw ng eliminasyon ng 16th World Cup of Softball XI and Border Battle VIII 2016, sa OGE Energy Field ng ASA Hall of Fame Complex sa Oklahoma City.

Sinandigan ng Blu Girls ang dalawang run sa unang inning at isa sa ikatlo, bago pinigilan ang Czech Republic sa tig-isa lamang na run sa ikalawa at ikatlong inning upang itakas ang ikalawa nitong panalo sa pitong laro sa torneo na nilahukan ng 13 sa pinakamagagaling na koponan sa softball sa buong mundo.

May tatlong run, pitong hit at isang error ang Pilipinas, habang 2 run, siyam na hits at 2 error ang Czech Republic.

Solidong laro rin ang ipinamalas ni Garie Blando mula sa plate para sa Pilipinas kung saan mayroon itong 1-2 at bat at nagtala ng dalawang run sa kanyang two-run double. Mayroon itong triple sa ikatlong inning.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Tumulong din si Annalie Benjamin upang biguin ang Czech Republic na bagamat nagbigay ng dalawang hit ay hindi pinayagan ang kalaban sa makakuha ng earned run, wala ring walk, at may struck out na lima sa kanyang apat na inning na pagpukol.

Gayunman, nabawian ang Blu Girls sa sumunod nitong laro kontra Venezuela matapos umiskor si Yaicey Sojo sa ikalawang inning bago pumalo ng two-run homerun si Denisse Fuenmayor sa centerfield upang kasamang umiskor si Maria Soto sa third inning.

Tanging umiskor para sa Pilipinas si Angelie Ursabia sa ikaapat na inning para sa 2-5 marka. (Angie Oredo)