Ipinag-utos ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Mark Villar sa contractor ng flood-control project sa Maysilo Circle sa Mandaluyong City na tapusin na ang proyekto hanggang sa huling araw ng Setyembre kung ayaw nitong ma-blacklist sa kagawaran.

Ito ang direktiba ni Villar makaraang mabatid na tatlong taon nang hindi umuusad ang nasabing P609-milyon mega-drainage project at nagdudulot ng matinding baha sa lugar, na nakaaapekto rin maging sa mga negosyo.

Matatandaang sa pananalasa ng bagyong ‘Butchoy’ ay umabot hanggang tuhod ang baha sa Maysilo Circle.

“We can blacklist the company and personnel kapag hindi nila matapos by September 30,” sinabi ni Villar sa isang panayam sa radyo nitong Sabado.

National

Mula magnitude 5.9: Lindol sa Southern Leyte, ibinaba sa magnitude 5.8

Aniya, nakausap na niya ang contractor ng proyekto, na nangakong tatapusin ang huling bahagi ng drainage project hanggang sa Setyembre.

Dahil sa nakatiwangwang na proyekto, hindi humuhupa ang baha sa paligid ng Mandaluyong City Hall kahit pa maganda ang panahon, at marami na ring negosyo sa lugar ang nagsara dahil sa pagkalugi sa baha.

Sinabi pa ni Villar na dumami rin ang kaso ng dengue sa siyudad na mula sa 140 noong Enero hanggang Setyembre 2014 ay naitala sa 176 sa kaparehong panahon noong 2015 dahil sa baha.

Tiniyak naman ng kalihim na gumagawa na ng paraan ang DPWH upang maibsan kahit papaano ang pagdurusa ng mga residente at motorista sa lugar. (Argyll Cyrus B. Geducos)