Nakamit ng Philippine Blu Girls ang unang panalo nang maungusan ang Venezuela, 2-1, ngunit, kinapos laban sa Australia, 2-3, sa 16th World Cup of Softball XI and Border Battle VIII nitong Sabado (Linggo sa Manila), sa OGE Energy Field ng ASA Hall of Fame Complex sa Oklahoma City.

Sinandigan ng Pilipinas ang no relief job ni starting pitcher Sierra Lange upang putulin ang limang sunod na kabiguan ng Blu Girls habang pinigilan ang Venezuela sa tangkang paghahabol sa loob ng anim na inning bago naiskoran sa ikapito.

Hataw si Dani Gilmore ng solo homerun sa ikatlong inning bago nagawang itala ni Angelie Ursabia ang isang run sa stolen home base sa ikaanim na inning.

Hindi pa man nagtatagal ang pagsasaya ng Pinay ballers, ipinadama ng Australia ang isa pang kabiguan sa kanilang ikalawang laro sa maghapon.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Unang hinawakan ng Australia ang abante sa pag-iskor ng isang run sa fourth inning bago nagtala ng dalawang run ang Pilipinas sa fifth inning, para sa 2-1 abante.

Gayunman, dalawang run ang naipasok ng mga Aussies sa seventh inning, tampok ang sacrifice fly ni Georgia Blair upang paiskorin si Clare Warwick at itabla ang laban at ang pampanalong run ni Jade Wall.

Sunod na lalabanan ng Blu Girls ang Czech Republic. - Angie Oredo