DINALUPIHAN, Bataan – Isang araw matapos maupo ang bagong police provincial director, dalawang pinaghihinalaang bigating drug pusher sa probinsiya ang napatay nitong Miyerkules ng hapon, habang isa pang babaeng nagbebenta ng droga ang nahuli nang makipagbarilan sa mga pulis sa Barangay Old San Jose, sa bayang ito.
Sinabi ni Sr. Supt. Benjamin Silo, Jr., ang bagong talagang PNP director, na si Ali Abubakar, tinaguriang Number 1 drug pusher sa bayan ng Mariveles, at isa pang hindi kinilalang suspek ay napatay nang makipagbarilan sa mga umaarestong pulis, sa nasabing barangay dakong 5:30 ng hapon nitong Miyerkules.
Kinilala naman ni Col. Silo ang nahuling pinaghihinalaang drug pusher na si Bulawan Abubakar, ng Quiapo, Manila.
Ngunit nakatakas ang isang Warly Castillo sa kainitan ng operasyon, gayunman kakasuhan pa rin siya ng pagtutulak ng droga.
Nangyari ang pagpatay sa dalawang suspek matapos maupo si Col. Silo sa pinakamataas na puwesto sa Bataan PNP noong Martes at nangakong paiigtingin ang kampanya laban sa illegal na droga alinsunod sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte at ni Police chief Ronald Dela Rosa na walisin ang illegal na droga sa bansa.
Sa Mariveles, iniulat ni Supt. Crizalde Conde, police chief, na pito pang drug personality ang naaresto sa serye ng buy-bust operations.
Kinilala sila ni Col. Conde na sina Dominador Pasaraba, naitala bilang top 6 pusher, na nahulihan ng siyam na pakete ng shabu sa Bgy. Mt. View; Ruel Buccat ng Vista Grande, Balong-Anito; Joeffrey Saturnino ng Camaya; Allan Tantiado ng Petron Hills, Maligaya; Joel Miras ng Sisiman; Mark Anthony Tolentino ng Tanza, Cavite; Jessie Cruzado ng Biaan. (Mart T. Supnad)