TUGUEGARAO CITY, Cagayan – Tinatayang aabot sa halos P1 bilyon halaga ng shabu ang nahukay ng pinagsanib na puwersa Claveria Police at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Region 2 sa isang abandonadong bahay sa Barangay Culao sa Claveria, Cagayan, nitong Linggo ng hapon.

Ayon sa panayam ng Balita kay Chief Insp. Garry Matagay, hepe ng Claveria Police, nabatid na mismong ang national agency ng PDEA at Philippine National Police (PNP), sa pakikipagtulungan ng lokal na pulisya, ang nagsagawa ng paghuhukay dakong 5:30 ng hapon nitong Linggo.

Kasama rin sa operasyon si Cagayan Valley Police Director Derrick Carreon, at personal niyang nasaksihan ang mga iniahong shabu, na nakasilid sa 180 plastic ziplocked pouch na tinatayang nasa isang kilo ang bawat isa.

Sa kabuuan, umaabot sa mahigit P900 milyon ang kabuuang halaga ng nakumpiskang shabu.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Pinaniniwalaan na ang droga, na ibinaon sa tatlong talampakan ang lalim na hukay, ay pag-aari ng may-ari ng bahay na si Rene Dimaya.

Subalit batay sa impormasyon na nakuha ng awtoridad, isang taon nang inabandona ni Dimaya ang nasabing barung-barong.

Inaalam pa ng awtoridad kung si Dimaya rin ang may-ari ng droga, na nakumpirmang shabu.

Samantala, sinabi naman ni PNP Chief Director Gen. Ronald Dela Rosa na batay sa impormasyong natanggap niya mula sa nag-tip tungkol sa kontrabando, ang nasamsam na droga ay ibibiyahe sana patungong Binondo sa Maynila.

Aniya, magsasagawa sila ng masusing imbestigasyon upang matukoy kung saan nanggaling ang droga at kung kanino ide-deliver ang mga ito.

May ulat ni Aaron Recuenco (LIEZLE BASA IÑIGO)