SA loob ng maraming taon, pinangunahan ni Senator Cynthia Villar ang kampanya para sa paglilinis ng Manila Bay, partikular na ang lugar ng Las Piñas-Parañaque, na daan-daan ang nagboluntaryo upang mangolekta ng basura at iba pang solidong itinapon.
Sa huling cleanup operation sa Baseco compound sa Tondo, Maynila, at sa Las Piñas-Parañaque Critical Habitat and Eco-tourism Area noong nakaraang linggo, nakakolekta ng 300 volunteer ng ilang truck ng basura, kabilang ang mga non-biodegradable packaging ng mga consumer product gaya ng sabon at shampoo, iba pang personal care items, at pagkain. Umapela ang senadora sa mga gumagawa ng nasabing mga produkto na makiisa sa sama-samang paglilinis bilang bahagi ng kani-kanilang corporate social responsibility program.
Ang mga basurang plastik na ito ay bahagi lamang ng problema na lumikha sa Manila Bay bilang isang mapanganib at hindi ligtas na lugar na ipinagbawal na sa mga manlalangoy, skin-diver, at gustong maligo. Ilang ilog, na apektado ng lahat ng klase ng polusyon, ang umaagos sa lawa hindi lamang mula sa Metro Manila kundi mula sa mga karatig na lalawigan. Ang Pasig River pa lamang ay napaliligiran na ng libu-libong pabrika at barung-barong sa baybayin nito at sa maraming estero na nakapalibot dito.
Noong 2008, nagpalabas ang Korte Suprema ng isang makasaysayang desisyon na nag-aatas sa 13 ahensiya ng gobyerno na “clean up, rehabilitate, and preserve Manila Bay, restore and maintain its waters to make them fit for swimming, skin diving, and other forms of contact recreation.”
Itinalaga ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) bilang pangunahing ahensiya na responsable sa pagpapatupad ng nabanggit na utos ng korte. Inatasan itong magpatawag ng regular na pulong sa iba pang ahensiya, na ang bawat isa ay may partikular na direktiba.
Ang Department of Interior and Local Government (DILG), halimbawa, ay inatasang magpatupad ang lahat ng lokal na pamahalaan sa Metro Manila, Rizal, Laguna, Cavite, Bulacan, Pampanga, at Bataan na inspeksiyunin ang lahat ng pabrika at kabahayan sa dalampasigan ng mga ilog at obligahin ang mga itong magkaroon ng kani-kanilang banyo o anumang pasilidad na magpapanatili ng kalinisan upang maiwasang umagos sa Manila Bay ang mga dumi ng tao at basura ng mga pabrika.
Ipinalabas din ang kapareho at kaugnay na mga direktiba sa ilan pang ahensiya—kabilang ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS), Local Water Utilities Administration (LWUA), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Department of Health (DoH), Philippine National Police (PNP), at Philippine Coast Guard (PCG).
Ito ay may walong taon na ang nakalipas at “no significant improvement can be seen in the bay”, sinabi ni Senador Villar pagkatapos ng paglilinis noong nakaraang linggo. “Manila Bay is a historical landmark. It is known in the world because of its breathtaking sunset. Over 300,000 fishermen depend on it for their livelihood. We owe it to our children to rehabilitate and preserve it so that they will continue to reap its benefits,” dagdag niya.
Kabilang sa maraming problemang kahaharapin ng administrasyong Duterte sa mga susunod na buwan at taon, umaapela tayong isama rito ang paglilinis sa Manila Bay. Natukoy na ng Korte Suprema ang problema ilang taon na ang nakalipas at nagpalabas na rin ng mga partikular na direktiba sa 13 ahensiya ng gobyerno, ngunit nananatili ang suliranin sa matinding polusyon sa lawa. Umaasa tayong magtatagumpay ito, matapos na mabigo ang mga unang pagtatangka.