SA Saudi Arabia, ang pinakamatinding hatol sa isang kriminal ay pagpupugot sa ulo gamit ang malaking sundang. Sa China, isang bala sa ulo na binayaran pa ng hinatulan.

Sa Malaysia, lubid na nakatali sa leeg at diretsong ihuhulog mula sa napakataas na istruktura.

Ang mga nabanggit ay iba’t ibang pamamaraan ng ilang bansa sa kanilang istriktong pagbaka sa droga o pagtupad sa lumang kasabihan na “Kapag buhay ang inutang, buhay din ang kabayaran.”

Sa Pilipinas, sumikat ang “silya elektrika” ng ilang dekada.

Noong panahon ng martial law, ang drug lord at ‘Tsinoy’ na si Lim Seng ang kauna-unahang mamamayan na sumailalim sa “firing squad”.

Kadalasan, ang ganitong uri ng parusa, laan sa mga sundalong traydor o tumakbo sa harap ng labanan. Hindi nagtagal, ang “lethal injection” naman ang nagsilbing pamuksa sa mga taong may malaking pananagutan sa lipunan. Ilang pangulo rin ang umayaw na ipagpatuloy ang nasabing parusa bilang pagtalima sa bagong anyo ng mga Kanluraning bansa na ipagbawal ang “death penalty”.

Ito ay bilang pagsunod sa usong kaisipan na ang kriminal ay bigyan ng pagkakataong magbago at magpaka-tao. Bale, ibababa ang capital punishment sa “life imprisonment” o habambuhay na pagkakakulong.

Sa ilalim ng pamamahala ng bagong hirang na Pangulong Rodrigo Duterte, nais nito na buhayin muli ang parusang kamatayan. Naniniwala umano si Digong na ang isang pakay ng kahatulang bitay ay upang magkaroon ng kasapatan sa katarungan para sa tao, pamilya at publikong naging biktima.

Ang uri ng parusa na gustong isulong ng Presidente ay tulad sa Malaysia. Hindi ko lang masabi sa ngayon, kung makakalusot ito sa ilalim ng “unjust and cruel punishment” na ipinagbabawal ng Saligang Batas?

Subalit nauunawaan ko ang pakay ng ating Pangulo at kung bakit ganito na lang ang kanyang galit sa droga – mga nagtutulak, nagpopondo, at gumagawa nito. Baka may paraan upang makalusot sa limitasyon ng Konstitusyon. Kung mamarapatin ng Palasyo, huwag na ipilit ang lubid.

Ganito ang diskarte – papiliin ang mga nahulihan ng droga na kapag ipinilit nila ang paglilitis ay siguradong “electric chair” paglalagyan nila. O, boluntaryo silang magpapaputol ng dalawang kamay.

Sa ganitong pamamaraan, hindi na mananagot ang Palasyo. Pugot kamay? (Erik Espina)