NARANASAN ko noong 2010 ang muling “pagsilang”.

Natatandaan ko pa noong harapin ko ang mga mamamahayag sa isang coffee shop sa Starmall sa Mandaluyong upang ipahayag na tinatanggap ko ang pagwawagi ni Senador Benigno Aquino III sa halalan sa pagkapangulo noong 2010.

Nang sumunod na araw, pinangunahan ko ang pagpupulong ng mga opisyal ng Vista Land at sinabi kong nakahanda na akong bumalik sa kumpanya makalipas ang dalawang taong pagsisilbi sa bayan.

Ang aktuwal na pagbabalik ko sa Vista Land ay nangyari noong 2013, pagkatapos ng aking ikalawang termino bilang senador, ngunit noon pa lamang 2010 ay nagsimula na ang muling pagsilang para sa akin. Para akong nagbabalik sa aking tahanan at nakadama ako ng panibagong kasiglahan.

Sa pagbabalik ko sa negosyo, nagging iba na ang pagtingin ko sa daigdig. Gusto kong ihalintulad ito sa telebisyon.

Noong nasa pulitika pa ako, malabo ang tanawin, ‘tila puti at itim lamang. Sa pagnenegosyo, nakikita ko ang daigdig na malinaw at makulay.

Muli kong pinag-aralan ang aking negosyo at hindi nagtagal ay nakita ko ang bagong hamon, at bagong oportunidad, sa pagtitingi at pagtatayo ng mga mall.

Nang banggitin ko ito, napailing ang maraming tao sa Vista Land, at sinabing malalaki ang kumpitensiya sa nabanggit na larangan. Sa biglang tingin, ‘tila nga pagpapatiwakal ang pumasok sa negosyo na dominado ng malalaking manlalaro.

Pero hindi ako nag-alinlangan. Hanap ko ang mga hamon at wala sa aking DNA ang pagsuko.

Ito ang dahilan kung bakit patuloy ako sa pagnenegosyo. Madali sana ang magretiro ngunit ang mga bagong hamon ang nagpapagalaw sa akin. Umaalis ako sa bahay nang ikalima ng umaga upang simulan ang aking gawain. Kahit Linggo, gumigising ako nang maaga at pagkatapos mag-almusal ay nagsisimula na sa pakikipagpulong.

Ngunit hindi ko nalilimutang balansehin ang buhay at trabaho. Lagi akong may panahon para sa pananghalian kasama ang aking pamilya, ang panonood ng sine tuwing Linggo ng gabi kasama si Cynthia, at ang pakikipaglaro sa aking dalawang apo.

Sa pagbabalik ko sa negosyo, nagbago na rin pati ang aking pagtingin sa mga biyahe at pamimili. Kapag naglalakbay sa ibang bansa, hindi lamang pamamasyal ang aking ginagawa; pinagmamasdan ko rin at pinag-aaralan ang ugali ng mga mamimili sa ibang bansa.

Ito ang sarap ng pagiging negosyante, na hindi ko pinagsasawaan. Nagagalak ako sa ganitong hamon at naghahanda na upang sumama sa aming retail group.

Naniniwala ako na ang pagnenegosyo ang susi sa pagtatagumpay ng mamamayan at ng bansa. Sa kabila ng maraming kuwento ng tagumpay, ang ating lipunan ay ‘tila nakadisenyo pa rin upang turuan ang kabataan na maging empleyado. Ang kailangan natin ay radikal na pagbabago sa pagtingin ng kabataan sa paglikha ng yaman at progreso.

Sa aking pananaw, hindi tagumpay ang pagiging empleyado ng isang malaking korporasyon, ang kakayahang bumili ng pinakabagong smartphone kapag natanggap ang bonus, o ang pagsusuot ng amerikana.

Ang tunay na tagumpay ay ang pagtatayo ng isang bagay mula sa lupa sa pamamagitan ng pawis, dugo at luha. Kapag nakapagtayo ng isang bahay na pagmumulan ng kita, magbibigay ng trabaho sa ibang tao at makatutulong sa pag-unlad ng bansa, ito ang tagumpay. Ito ang pangarap ng bawat Pilipino. (Manny Villar)