DIREK MARYO kasama ang filmmakers na kalahok sa TOFARM filmfest copy

ANG unang TOFARM Film Festival na may temang “The plight of the Farmer: His Trials and Triumphs” ay gaganapin simula Hulyo 13 hanggang 19.

“Ang mga magsasaka at ang kanilang karapatan ay kasalukuyang nasa center stage. Napapanahon na para tulungan sila ng ating industriya,” pahayag ng premyadong direktor na si Maryo J. delos Reyes, ang tumatayo bilang festival director.

“Agriculture ang focus ng mga balita ngayon,” ayon kay Direk Maryo.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Ibinigay niyang halimbawa ang kontrobersiyal na protesta sa Kidapawan, South Cotabato noong Marso; ang Senate Bill 3002 na isinulong ni Sen. Cynthia Villar, chair ng Senate agriculture and food committee, na naglalayong palaganapin ang farm tourism sa bansa.

Anim na pelikula ang ipalalabas sa mga piling sinehan sa SM Megamall, Mandaluyong City at SM North Edsa, Quezon City.

Ang anim na pelikulang kalahok ay nakatanggap ng grant na P1.5 million.

“We need more people like her, ginawa niyang advocacy ang tumulong sa farmers at sa agriculture industry,” sabi ni Direk Maryo na ang tinutukoy ay si Dr. Milagros How, ang Universal Harvester Incorporated Executive President na siyang nakaisip ng proyekto.

Ang kasaling pelikula ay ang mga sumusunod:

Pilapil, sinulat at idinirehe ni Jojo Nadela, tungkol sa isang lalaking gustong makalaya sa buhay sa bukid at sa isang batang lalaki na nag-aasam namang mamuhay dito.

Pitong Kabang Palay, sinulat ni Maricel Cariaga. Tungkol ito sa pamilya Dela Cruz na simpleng namumuhay sa isang maliit na palayan sa Isabela. Ang batang si Balong at si Lito ay nangangarap na maiahon ang pamilya sa hirap ng buhay kaya’t pinilit nilang makapag-uwi ng karangalan mula sa paaralan upang masuklian ang paghihirap ng magulang.

Free Range, sinulat at idinirehe ni Dennis Marasigan. Ito ay kuwento ni Chito, anak ng mga negosyante sa Coron, Palawan na nasa linya ng lodging at siya naman ay mayroong organic chicken farm. Kalakip ang problema sa pamilya at negosyo, pinilit ni Chito na ayusin at ipagpatuloy ang negosyo upang magtagumpay sa buhay.

Kakampi, sinulat at idinirehe ni Victor Acedillo Jr. Pagsasabuhay sa kuwento ng isang drayber ng taxi na nagngangalang Ben na may pasaherong nagngangalang Jun, Nagkuwento ang drayber tungkol sa karanasan niya limang taon na ang nakakalilipas sa Camiguin Island nang turuan siya ng kanyang lolo kung paano alagaan ang mga puno. Dahil dito, nagbalik si Ben sa probinsiya at sinubukang sagipin ang mga punong huminto na sa pagbunga.

Pauwi Na, sinulat at idinirehe ni Paolo Villaluna. Sinusundan ng pelikulang ito ang isang lalaking maysakit, isang magnanakaw, isang aso, isang bulag na buntis at si Hesukristo habang tinatahak nila ang isang tragic-comic journey ng sariling pagninilay-nilay at napagdesisyunan nilang pumunta sa Bicol mula sa Maynila. Hinuha ang istoryang ito mula sa isang balita sa Philippine Daily Inquirer na “Family pedals way back home to Leyte” noong Set. 7, 2003.

Paglipay, sinulat ni Zig Dulay. Tungkol kay Atan, isang Aeta galing sa Baytan Village sa Zambales na kumikita sa pamamagitan ng tradisyunal na farming system at panghuhuli sa Mt. Pinatubo. Napilitan siyang pumunta sa bayan upang makisalumuha sa modernong tao at makapag-ipon ng bandi o bride price upang mapakasalan ang kanyang katribo na si Ani.

Sa kabilang banda, si Rain naman ay pumunta at nakisalumuha sa mga Aeta para sa kanyang tesis. Dahil dito, nagtagpo ang landas ng dalawa. Ang ‘paglipay’ ay salitang Aeta na nangangahulugan ng pagtahak sa bundok at ilog para makarating sa bayan.

Ang anim na pelikulay ay maglalaban-laban para sa tropeo at cash prize na P500,000 para sa best film, P400,000 at 300,000 naman para sa pangalawa at ikatlo. Magbibigay rin ng Special Jury Prize sa awards ceremony na gaganapin sa Hulyo 19.

Antabayanan ang iskedyul ng mga pelikulang ito sa www.tofarm.org o kaya sa Facebook site ng festival, TOFARM Film Festival Philippines.