ANO kaya ang magiging epekto sa ekonomiya ng Pilipinas ng tinatawag na “Brexit” o British exit? Ano rin kaya ang magiging impact nito sa ekonomiya ng iba pang mga bansa dahil sa pagkalas ng Great Britain (GB) o United Kingdom (UK) sa European Union (EU)?

Nagdaos ng referendum ang UK noong Hunyo 23 at 52% ng mga Briton ang bumotong nais kumalas sa EU, samantalang 48% ang piniling manatili ang UK kasama ng 27 iba pang European country sa EU. Bunsod ng Brexit na ikinabigla ng buong mundo, bumagsak ang global markets, nagpayanig sa katatagan (stability) ng isang proyekto ng pagkakaisa ng mga bansa na naghahangad ng continental unity.

Ang key indexes ay bumagsak ng 10% sa Germany, at 8% naman sa Japan Britain. Sumadsad din ang euro versus US dollar at ang pound (UK currency) sa lowest level sapul noong 1985. Maraming ordinaryong Pinoy ang hindi lubos na nakauunawa sa Brexit, pero maiintindihan natin ito kapag naramdaman na ang epekto nito sa ating kabuhayan.

Pinalaya na ng bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) ang Pilipinang si Marites Flor na kasamang dinukot nina John Ridsell, Robert Hall (mga Canadian) at Norwegian Kjartan Sekkingstad. Sina Ridsell at Hall ay kapwa pinugutan ng ulo ng mga tampalasang tulisan. Maraming bumilib kay President-elect Rodrigo Roa Duterte (RRD) at sa kanyang security cluster dahil sa tulong sa pagpapalaya kay Flor.

Nagbanta si President Rody sa bandidong ASG ng “day of reckoning” o pagtutuos na kanyang ilulunsad upang lipulin ang mga pera-perang tulisan na ginagamit pa ang pangalan ni Allah sa kanilang mga tiwali at kakila-kilabot na kidnap-for-ransom activities. Sabi ni RRD: “Ayaw kong makipagkagalit sa sino man, pero darating ang araw na kailangan kong harapin ang Abu Sayyaf. Hindi pa ito dumarating”.

Inihayag ito ni Mayor Digong matapos iharap sa kanya ni Peace negotiator Sec. Jesus Dureza si Flor kasabay ng turnover ceremony ng Davao City Police.

“Their kidnapping must be stopped. It has given us a very bad image,” badya ng incoming President. Habang nagbabanta siya laban sa tulisang grupo, kinumpirma ni Indonesian Foreign Minister Retno Marsudi na pitong Indonesian sailor ang hinostage ng ASG sa Sulu Sea. Ang pagkidnap sa 13 crew (ang anim ay pinalaya) ng isang Indonesian tugbot (TB Charles 001) na humihila sa isang coal-carrying barge, ay nangyari bago palayain si Flor. Talaga yatang hinahamon ng ASG ang machong presidente.

Samantala, hindi raw nababahala si Duterte sa mga report na nagpatong ng malaking pabuya ang mga drug lord sa ulo niya. Tinapatan naman niya ito sa pangakong lalakihan niya ang presyong alok ng drug lords at ipo-promote pa ang mga pulis na makapapatay sa kanila.

“If he (drug lord) puts up P100 million, I will give you P150 million slaughter them and I will be happy. Kill him.

No questions asked. We can match each other’s price.”

Iginiit ni President Rody na itutuloy niya ang parusang kamatayan sa pamamagitan ng pagbigti. Bagamat ang mga kritiko niya ay nagsasabing ang pagbigti ay “inhuman” o ‘di makatao, ang mga kriminal naman na naka-droga ay higit pa sa hayop na walang awa sa pagpatay, panggagahasa, at iba pa. “Sinasabi nilang ’di makatao ang death penalty. But what is so human about killing an 18-year-old child or raping her?” Matalas na pahayag ni Mang Rody.

Ang restorasyon ng death penalty ang isa sa mga prayoridad ng Duterte admin upang epektibong maisulong at mapanatili ang katahimikan at kaayusan sa bansa! (Bert de Guzman)