INIHAYAG ni Pope Francis na ang mga bakla—at ang iba pang mga tao na itinataboy ng Simbahan, gaya ng mahihirap at ang mga biktima ng pagsasamantala—ay karapat-dapat lang na hingan ng kapatawaran.

Habang nagbibiyahe pauwi nitong Linggo mula sa Armenia, tinanong ang Santo Papa kung sumasang-ayon siya sa isa sa kanyang mga tagapayo, si German Cardinal Reinhard Marx, nang inihayag nito sa isang komperensiya sa Dublin ilang araw matapos ang pag-atake sa isang gay nightclub sa Orlando na dapat na humingi ng paumanhin ang Simbahan sa mga bakla dahil sa pagtataboy sa mga ito.

Tumugon si Pope Francis sa ibang bersiyon ng kanyang pamosong komento na “Who am I to judge?” at inulit ang turo ng Simbahan na ang mga bakla ay hindi dapat na dumanas ng deskriminasyon, at sa halip at tratuhin nang may respeto.

Aniya, maaaring kondenahin ang ilang napulitikang gawi ng komunidad ng mga bakla dahil sa pagiging “a bit offensive for others”. Ngunit sinabi niya: “Someone who has this condition, who has good will and is searching for God, who are we to judge?”

“We must accompany them,” dagdag pa ng Santo Papa.

“I think the church must not only apologize ... to a gay person it offended, but we must apologize to the poor, to women who have been exploited, to children forced into labor, apologize for having blessed so many weapons” at sa kabiguang maalalayan ang mga pamilyang dumanas ng diborsiyo o nakaranas ng iba pang matitinding problema.

Unang binanggit ni Pope Francis ang komento niyang “Who am I to judge?” sa una niyang press conference habang bumibiyahe sa eroplano noong 2013, na nagsilbing senyales ng bagong panahon ng pagtanggap ng Simbahan sa mga bakla.

Sinundan ito ng Santo Papa ng pakikipagpulong sa mga bading at transgender na mananampalataya, at ang pinakamahalaga, nang tumugon ito sa napaulat na nakipagpulong siya sa anti-gay marriage campaigner na si Kim Davis nang bumisita siya sa Amerika. Sinabi niyang ang tanging personal na pulong na dinaluhan niya sa Washington ay nang makipagkumustahan siya sa dati niyang estudyanteng bading at sa kinakasama nito.

Gayunman, sa kabila nito ay maraming baklang Katoliko ang nakaantabay sa progreso matapos na mabigo ang dalawang-taong konsultasyon ng Simbahan tungkol sa mga usaping pampamilya na makabuo ng kongkretong hakbanging papabor sa kanila. (Associated Press)