PH cage team, pinataob ang China sa Europe Tour.

BOLOGNA, Italy – Magbabalik-bayan ang Gilas Pilipinas na may ipagmamalaking tagumpay.

Sa pangunguna ni Terrence Romeo, ang pamosong shooting guard ng GlobalPort Batang Pier, nakihamok ang Gilas sa dikdikang duwelo para mailusot ang 72-69 panalo sa Asian rival China nitong Linggo ng gabi para makopo ang ikatlong puwesto sa Imperial City pocket tournament dito.

Hataw si Romeo sa naiskor na 18 puntos, tampok ang 13 sa final period kung saan nakipagpalitan ng puntos at diskarte ang Pinoy cagers sa Olympic-bound Chinese squad para makaiwas sa pagkabokya sa torneo na bahagi ng pagsasanay at paghahanda ng Gilas para sa pagsabak sa Manila Olympic Qualifying Tournament sa Hulyo 5.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Haharapin ng Gilas sa Group B elimination ng MOQT ang liyamadong France at matikas na New Zealand. Nakataya lamang ang isang Olympic slot sa torneo na lalahukan din ng Turkey, Senegal at Canada na nasa Group A.

Ilang oras matapos ipahayag ni Gilas coach Tab Baldwin ang opisyal na 12-man RP line-up para sa MOQT via Skype, kaagad na rumatsada ang Pinoy laban sa Chinese na lumaro na wala ang pambatong sina dating NBA player Yi Jianlian at seven-footer Zhou Qi, kinuha ng Houston Rockets sa katatapos na NBA Rookie Drafting.

Masaklap ang unang dalawang laro ng Gilas na natalo sa averaged 35.5 puntos. Subsob ang Gilas laban sa Italy, 106-70, habang nabalatan ang Turkey, 103-70.

Laban sa China, mas nakaporma ang Gilas.

Kumubra si naturalized player Andray Blatche ng 14 puntos, habang kumana si Jeff Chan ng 10 puntos.

Nanguna sa China si Peng Zhou sa naiskor na 18 puntos.

Ito ang unang paghaharap ng dalawang bansa mula nang magkasubukan sa FIBA Asia Men’s Championship sa nakalipas na taon na pinagwagihan ng China.

Hindi na naglaro sina LA Tenorio at Calvin Abueva, kapwa nasibak sa Final 12, at nakiisa na lamang sila sa mga kababayan para bigyan ng suporta ang Gilas.

Naisalpak ni Romeo ang magkasunod na three-pointer, kabilang ang long range shooting na nagtabla sa iskor sa 63 may apat na minuto ang nalalabi sa laro. Nakuha ng Pinoy ang 69-65 bentahe mula sa three-pointer ni Romeo may 2:28 sa laban.

Hindi rin nakapagpatuloy ng laro si Ranidel de Ocampo nang patalsikin siya kasama ang karibal na Chinese matapos maging pisikal ang kanilang agawan sa bola.

Nakatakdang dumating sa Manila ang Gilas ngayong hapon mula sa tatlong linggong pagsasanay sa Europe.

Iskor:

Philippines (72) – Romeo 18, Blatche 14, Chan 10, Castro 9, Reyes 5, Fajardo 5, Pingris 3, Rosario 3, Norwood 2, Aguilar 2, Parks 1, De Ocampo 0.

China (69) – Zhou 18, Zhai 15, Ding 11, Wang 9, Zhao 5, G. Li 4, Zou 4, Sui 2, Jia 1, Q. Zhou 0, M. Li 0, Guo 0, Kelambaike 0, Y Zhao 0.

Quarterscores:

22-23, 34-all; 54-51, 72-69,: