ANG International Day Against Drug Abuse and Illicit Trafficking ay taunang ginugunita tuwing Hunyo 26 simula noong 1988, alinsunod sa General Assembly Resolution 42/112 noong Disyembre 7, 1987, na isang pagpapahayag ng determinasyon ng United Nations para paigtingin ang pagkilos at magtamo ng masiglang pagtutulungan upang maisakatuparan ang hinahangad na isang pandaigdigang lipunan na malaya sa pag-abuso ng ilegal na droga.
Pumipili ang UN Office on Drugs and Crime (UNODC) ng mga tema para sa International Day at naglulunsad ng mga kampanya upang isulong ang kamulatan tungkol sa pandaigdigang problema sa droga. Para sa 2016, ang tema ng kampanya para sa International Day ay “Listen First.” Puntirya ng kampanya ang mga magulang, mga guro, mga mambabatas, mga health worker, at mga prevention worker at binibigyang-diin kung paano matutukoy—at maiiwasan—ang mga mapanganib na gawi at paggamit ng droga. Ibinatay ito sa pananaliksik na nagpapakitang sa pamamagitan ng hakbanging ito na may siyentipikong basehan, 30 beses ng halaga ng pondo para sa pag-iwas sa paggamit ng droga ang matitipid para ilaan sa mga gastusin sa kalusugan. Sinabi ni UNODC Executive Director Yury Fedotov, sa kanyang talumpati sa paglulunsad ng kampanya, na: “At the core of science-based prevention is a very simple concept… something we all know how to do, but perhaps spend too little time doing—listening.”
Ang Pilipinas, kaisa ang nasa 50 iba pang mga bansa sa mundo, ay nagpapatupad na ng inisyatibong Listen First sa kampanyang inilunsad noong Abril ngayong taon. Kinikilala ng UNODC na ang pagiging bata ay mahalagang bahagi ng development at mga oportunidad, at habang nagkakaedad ang mga paslit ay lumalaki sila, natututo sa sarili nilang paraan, at nagkakaroon ng pagkakataong maunawaan ang kanilang pambihirang potensiyal bilang indibiduwal. Gayunman, kalaunan ay nalalantad din sila sa posibilidad ng pagkakaroon ng hindi magandang pag-uugali, kabilang ang paggamit ng ilegal na droga, alak at sigarilyo.
Batay sa mga pag-aaral ng UNODC, natukoy na karamihan sa mga bata at kabataan ay hindi gagamit ng droga, maliban sa mga kadalasang naaapektuhan ng mga bagay na hindi nila kontrolado. Kabilang sa mga ito ang kahirapan at pagkakalantad sa karahasan; kawalan ng mapagmahal at mapagmalasakit na mga magulang; at pagkakaroon ng mga kaibigang may masamang impluwensiya. Dahil dito, bumuo ang mga eksperto ng materyales na nagbibigay ng kaalaman at nakatutulong upang matukoy ang mga paraan para mabigyan ng suporta ang kabataan at lumaki silang malusog at handang humarap at magtagumpay sa anumang pagsubok. May mga bagong factsheet at video spots sa iba’t ibang wika at mga logo na maaaring i-download, bukod pa sa social media materials na makikita sa website ng UNODC.
Ipinagdiriwang ng Pilipinas ang International Day Against Drugs habang naghahanda ang bansa sa panunumpa sa tungkulin ni President-elect Rodrigo Duterte, na pangunahing prioridad ang pagsusulong ng digmaan laban sa mga sindikato ng droga. Gayunman, gaya ng iba pang mga problemang panlipunan, kakailanganin ng gobyerno ang suporta ng mamamayan at ng mga komunidad. Ang kampanyang Listen First ay tunay na makatutulong upang maprotektahan ang mga bata at ang kabataan mula sa iba’t ibang bagay na maaaring mag-udyok sa kanila upang tangkaing gumamit ng ilegal na droga, alak, o narcotics.
Sa huli, ang malaking bahagi ng pag-iwas sa ilegal na droga ay nagsisimula sa pangunahing bahagi ng lipunan, ang pamilya, gayundin ang paaralan. Ang mga magulang, lalo na, ay mahalagang maglaan ng panahon upang matamang pakinggan ang sasabihin ng kanilang mga anak at maging ang nag-aalanganin nitong sabihin o nahihirapang ipahayag. Kadalasang ang kakayahan ng mga magulang na pakinggan at unawain ang pananahimik ng kanilang mga anak ang makapagliligtas sa mga ito mula sa mga sitwasyong mag-uudyok sa kanila upang subukan ang mga hindi wasto at delikadong gawain.