Ilang araw na lang at pormal nang maluluklok sa puwesto si President-elect Rodrigo Duterte pero nananatili pa rin ang tensiyon sa pagitan niya at ng mga mamamahayag.

Ipagbabawal ang mga pribadong media entity sa loob ng Malacañang, na roon manunumpa sa tungkulin si Duterte sa Hunyo 30.

Inihayag nitong Lunes ni incoming Presidential Communications Secretary Martin Andanar na tanging ang government media ang pahihintulutan sa loob ng Palasyo upang i-cover ang inaugural ceremony, dahil sa limitado ang espasyo sa lugar. Nasa 500 katao lang ang magkakasya sa Rizal Hall, na roon gagawin ang seremonya, ayon kay Andanar.

Kasabay nito, tiniyak ni Andanar na makaaasa naman ang mga media outfit sa live video at audio na ihahatid ng Radio TV Malacañang at ng PTV Channel 4 sa buong panahon ng seremonya. Maaari namang magsagawa ng monitoring ang mga mamamahayag sa live event mula sa New Executive Building na nagsisilbing press office, aniya.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Agad namang nagpaliwanag si Andanar, dating news anchor ng TV5, na hindi ito nangangahulugang nililimitahan ang access ng mga mamamahayag sa pagko-cover sa susunod na administrasyon.

“Talagang masikip lang sa loob. Masikip sa loob ng Rizal Hall. Hindi ganoon kalaki ang espasyo. Limang daan lang kasi ang puwede na bisita, so, ang atin namang mga kasamahan sa RTVM ay sanay na naman sila sa broadcast pool. I don’t think you will not have a difficult time,” sabi ni Andanar.

Gayunman, bukas pa rin sa media coverage ang departure honors para kay Pangulong Aquino sa Hunyo 30.

Kasabay nito, hindi naman pinabulaanan ni Andanar ang posibilidad na muling magpapahintulot ng panayam sa media si Duterte kahit pa nagkaproblema ito sa mga mamamahayag kaugnay ng opinyon nito sa media killings.

“Six years ang presidency. I don’t think na ‘yung Presidente naman ay hindi kayo kakausapin,” ani Andanar.

(Genalyn D. Kabiling)