INIHAYAG ni United Nations Secretary General Ban Ki-Moon na dapat nang agarang matuldukan ang “detention” sa mga migrante na dumating sa Greece simula noong Marso, sa kanyang pagbisita sa mga nangangasiwa sa migration crisis sa Europa.

Ginawa niya ang komento matapos siyang dumalaw sa dalawang kampo sa isla ng Lesbos sa Greece, na may 3,400 migrante ang nakatuloy habang inaalam ng mga opisyal kung lehitimong makakukuha ng asylum ang mga ito.

“Detention is not the answer, it should end immediately,” sinabi ni Ban, na nakipagpulong kay Greek Prime Minister Alexis Tsipras sa Athens.

“I recognise the difficulties but the world has the wealth, the capacity and the duty to meet these challenges,” sinabi ni Ban sa Lesbos, ang lugar na pinasukan ng daan-daang libong migrante patungong Europa noong nakaraang taon.

“These people have been through the worst,” dagdag ni Ban. “The people of Lesbos are showing the world the best—you have opened your homes, hearts and wallets to support people in need.”

Alinsunod sa isang kontrobersiyal na kasunduan sa pagitan ng European Union at Turkey na ipinatupad noong Marso, nahaharap ang mga bigong makakuha ng asylum sa posibilidad na mapabalik sa mga isla sa Greece at sa Turkey.

Mahigit 45,000 migrante ang naiipit ngayon sa nabanggit na teritoryo sa Greece, hindi lamang dahil sa kasunduan ng European Union at Turkey kundi dahil sa magkakasunod na pagsasara ng mga hangganan sa mga bansang Balkan sa hilaga.

Karamihan sa mga migrante ay nasa mga kampong pinangangasiwaan ng gobyerno, na ayon sa mga aid group, kabilang na ang refugee agency ng United Nations, ay kapos sa maayos na pasilidad at hindi akmang tuluyan ng tao.

Pinuri naman ni Ban ang mga Griyego sa pagpapamalas ng “remarkable solidarity…as Greece faces tremendous challenges of so many desperate people fleeing war and persecution”.

Sa Aegean holiday islands ng Greece, mahigit isang milyong refugee at migrante ang dumating sa nakalipas na isa at kalahating taon—karamihan sa kanila ay mga Syrian refugee na naghahangad na magsimulang muli ng panibagong buhay sa EU.

Sa Lesbos pa lamang, nasa 500,000 ang dumating noong 2015, batay sa mga taya ng United Nations, habang hinaharap ng Europa ang pinakamatindi nitong migration crisis simula noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Dahil sa kasunduan ng European Union at Turkey, nabawasan ang dagsa ng mga refugee, ngunit iginiit ng mga grupong nagsusulong ng karapatang pantao na nagbunsod ito ng kabi-kabilang paglabag sa mga karapatang pantao.

Nitong Biyernes, inihayag ng medical aid group na Doctors Without Borders na hindi na ito tatanggap ng pondo mula sa European Union bilang protesta laban sa mga “shameful” nitong polisiya sa migration, kabilang na ang kasunduan sa Turkey.

Simula nang ipatupad noong Marso, mahigit 460 katao na ang pinabalik sa Turkey, na roon naman sila naharap sa matinding diskriminasyon at posibilidad ng panganib. - Agencé France Presse