MGA Kapanalig, patuloy na usap-usapan ngayon ang panukalang ibalik ang death penalty. Bago pa man siya mahalal, sinabi na ni incoming president Rodrigo Duterte na kanyang irerekomenda sa Kongreso ang pagbabalik ng death penalty na hindi na sa pamamagitan ng lethal injection kundi sa pamamagitan ng pagbibitay sa harap ng mga tao.

Sa panayam sa magiging House Speaker na si Congressman Pantaleon Alvarez noong nakaraang linggo, sinabi niyang prayoridad ng Duterte administration ang pagbabalik ng parusang kamatayan. Nakababahala, mga Kapanalig, ang pahayag na ito sapagkat ang parusang kamatayan ay malinaw na paglabag sa karapatan ng taong mabuhay at karapatang hindi mapatawan ng parusang makapagpapababa sa kanyang pagkatao.

Inalis ang death penalty sa ating bansa nang ipasa noong 1987 ang kasalukuyan nating Saligang Batas. Ito ay muling ibinalik noong 1993 ni dating Pangulong Fidel Ramos at makalipas ang 13 taon ay tinanggal muli ni dating Pangulong Gloria Arroyo. Sa paparating na administrasyong Duterte, ang death penalty ang pangunahing hakbang upang sugpuin ang katiwalian at krimen.

Sa isang banda, hindi kataka-taka kung bakit maraming Pilipino—pati mga Katoliko—ang sang-ayon na ibalik ang parusang kamatayan. Araw-araw ba naman nating nakikita sa balita ang kaliwa’t kanang krimen, pagpatay, pagnanakaw, at pagtutulak ng droga. Kaya’t nabuo sa isipan ng marami sa atin ang paniniwalang nararapat lamang na kitilin ang buhay ng mga kriminal.

Ngunit ganoon na lang ba kababà ang pagtingin natin sa buhay ng tao? Wala na bang pag-asang magbago ang isang taong nagkasala? Death penalty na lang ba ang natatanging sagot upang lipulin ang mga tiwali at kriminal?

Marami ng argumento ang inilabas laban sa parusang kamatayan. Marami nang pag-aaral ang nagpatunay na hindi naman nito epektibong pangontra sa kriminalidad. Ang mas nakaaalarma, mga Kapanalig, ay ang katotohanan na karamihan sa mga taong pinapatawan ng parusang kamatayan ay mga mahihirap, silang mga walang pambayad sa mahusay na abogadong ipaglalaban ang kanilang mga karapatan at makakuha ng patas na paglilitis. Kung sinasabi ni incoming President Duterte na isusulong niya ang mga programang tunay na tutulong sa mga mahihirap, hindi ba mukhang taliwas ang death penalty sa platapormang ito?

May natatanging pananaw ang Santa Iglesia tungkol sa krimen at pagpaparusa. Ito ay nagsisimula sa pagkilala na ang bawat buhay ay mahalaga at sagrado dahil ito ay biyaya ng Diyos. Kaya nga ang pangangalaga sa dignidad ng tao ay tunay na isinusulong. Diin ng Evangelium Vitae: biktima ka man ng krimen o nagkasala sa batas, ikaw ay may mga karapatang dapat igalang at dapat pangalagaan.

Paanyaya sa atin ni Papa Juan Paulo II sa Evangelium Vitae, piliin nating maging “unconditionally pro-life”.

Sumainyo ang katotohanan. (Fr. Anton Pascual)