CEBU CITY – Nagtapos sa Las Piñas City ang matagal nang pagtugis sa mala-palos sa dulas na pangunahing drug lord sa Cebu na si Jeffrey “Jaguar” Diaz, matapos siyang mapatay, gayundin ang kanyang bodyguard, sa isang engkuwentro sa awtoridad, na pinangunahan ng mga pulis-Cebu nitong Biyernes ng gabi.

Kinumpirma ni incoming Cebu City Mayor-elect Tomas Osmeña ang balita sa kanyang Facebook page isang oras makaraang ipaalam sa kanya na si Diaz, na mas kilala sa taguring Jaguar, at ang kanyang bodyguard, ay napatay ng mga tauhan ng Regional Intelligence Division (RID)-7, na pinangunahan ni Col. Rex Derilo at ng Special Operations Group-7, sa pangunguna ni Col. George Ylanan.

“Cebu’s top drug lord, Jaguar, is dead. Neutralized in a Las Piñas raid by Cebu police,” sabi ni Osmeña.

Ayon sa spot report tungkol sa insidente, isinagawa ang raid ng mga pulis-Cebu, katuwang ang Las Piñas City Police, sa pangunguna ni Supt. Jemar Modequillo, dakong 10:40 ng gabi, sa Narra corner Gem Roads sa Pillar Village, Barangay Almanza 1 sa siyudad.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Armado ang mga pulis ng search warrant laban sa isang Alvaro Alvaro, alyas Barok, na isa ring top-level drug personality sa Cebu. Nakatakas si Alvaro, ngunit napatay si Diaz at ang bodyguard niyang si Paul Vincent Gloria, 26, ng Uranium Street, Las Piñas.

Narekober mula sa mga suspek ang isang M16 rifle na may scope, dalawang magazine na kargado ng mga bala, isang .45 caliber pistol na may dalawang magazine at bala, nasa 1.5 kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P600,000, mga ID ni Diaz na may magkakaibang pangalan, P10,000 cash, mga alahas, at ilang cell phone.

Isang linggo na ang nakalipas nang magbigay ng eksklusibong panayam si Diaz sa isang mamamahayag na nakabase sa Cebu at sinabi niyang pinaplano na niyang magretiro sa bentahan ng ilegal na droga, at inaming may kinalaman ito sa ipinangako ni President-elect Rodrigo Duterte na paiigtingin ang kampanya ng gobyerno laban sa ilegal na droga.

Sa nasabing panayam ay humingi pa ng paumanhin si Diaz sa mga Cebuano at sa mga nasira ang buhay dahil sa ilegal na droga.

Ngunit sa kanyang Facebook post ay pinabulaanan ni Osmeña ang sinabi ni Diaz. Aniya: “His statement that he was retiring was false. Surveillance revealed that he was setting up a new base of operations in Luzon. Cebu exports many things, but we will not export that.” (MARS W. MOSQUEDA, JR.)