LAOAG CITY, Ilocos Norte – Masusi ang isinasagawang imbestigasyon ng mga tauhan ng Commission on Audit (COA) at Bureau of Local Government Finance (BLGF) kaugnay ng umano’y pagkawala ng P95-milyon pondo ng pamahalaang lungsod.
Kinumpirma ni Laoag City Mayor Chevylle Fariñas ang ulat tungkol sa nawawalang P85 milyon mula sa pondo ng pamahalaang lungsod, matapos itong madiskubre ng city accountant.
Gayunman, bumiyahe na patungong Honolulu, Hawaii nitong Martes si City Treasurer Elena Asuncion bago pa nakumpirma ang pagkawala ng nasabing halaga ng pondo nitong Miyerkules.
Nauna rito, natuklasan ng COA na zero balance na ang mga account ng pamahalaang lungsod sa Development Bank of the Philippines (DBP), Land Bank of the Philippines (LBP) at Rang-ay Bank.
Nadiskubre rin ng mga auditor ng gobyerno na pineke ni Asuncion ang mga deposit slip para sa mga account ng pamahalaang lungsod sa tatlong nabanggit na bangko.
Matapos mabatid ang report, nagpalabas si Fariñas ng memorandum kay Elena Asuncion upang ipaliwanag ang tungkol sa naglahong pondo, na nagsimula umanong mawala noong 2007.
Hiniling din ng pamahalaang lungsod sa Bureau of Immigration (BI) sa Pangasinan na isailalim si Asuncion sa watchlist ng kawanihan, ngunit nakalabas na ng bansa si Asuncion nitong Martes. (Freddie G. Lazaro)