ANG nakalipas na buwan ang pinakamainit na Mayo sa modernong kasaysayan, ang ika-13 sunod na buwan na nakapagtatala ng record sa pandaigdigang temperatura, ayon sa US National Oceanic and Atmospheric Administration.

Ito na ang pinakamahabang panahon ng nasabing taya sa naitalang 137 taon.

“The globally averaged temperature over land and ocean surfaces for May 2016 was the highest for the month of May in the NOAA global temperature dataset record, which dates back to 1880,” saad sa pahayag ng ahensiya.

Ang matindi ngunit nananamlay nang El Niño phenomenon—na nagpapainit sa karagatang equatorial sa Pasipiko—ang posibleng nakapag-ambag sa record na ito ngayong taon, ayon sa mga climate scientist, ngunit hindi lubos ang naging paliwanag.

“The state of the climate so far this year gives us much cause for alarm,” sinabi ni World Climate Research Program Director David Carlson.

“The super El Niño is only partly to blame. Abnormal is the new normal.”

Ang pinagsamang average temperature ng Mayo ay pumalo sa 1.57 degrees Fahrenheit (0.87 Celsius) na mas mataas sa 20th-century average kada buwan na 58.6 degrees Fahrenheit (14.8 Celsius).

Ito ay mas mataas ng 0.04 degrees Fahrenheit (0.02 Celsius) sa unang naitala noong Mayo, na itinakda noong nakaraang taon.

Nag-tie ang Mayo 2016 sa Hunyo at Agosto 2015 bilang ika-12 sa may pinakamatataas na buwanang temperaturang nadagdag, ayon sa NOAA.

Ang naitalang temperatura nitong Mayo ay kasabay ng iba pang extreme weather events, gaya ng malakas na ulan sa Europe at sa katimugang United States.

Sa kabuuan, 13 sa 15 buwanang mataas na naitatalang temperatura ay nangyari simula noong Pebrero 2015, dagdag pa ng ahensiya.

Ayon sa mga eksperto, ang labis na pag-iinit ng mundo ay nagbubunsod ng pagdami ng kalamidad na pangkalikasan sa mundo, mula sa pamumuti ng Great Barrier Reef hanggang sa pagliliyab ng kagubatan sa iba’t ibang lugar sa Canada.

Naitala noong nakaraang taon ang pinakamainit na panahon sa kasaysayan, tinalo ang tala noong 2014, na una nang nakapagtala ng record.

At ngayong 13 magkakasunod na buwan nang nakapagtatala ng record ng pinakamataas na temperatura, ang 2016—bagamat hindi nakapangangalahati pa lang—ay inaasahan nang magiging isa pang napakainit na taon.

Inihayag ng World Bank noong nakaraang buwan na hindi pa handa ang pandaigdigang komunidad para sa biglaang pagdami ng mga kalamidad na may kinalaman sa climate change—gaya ng baha at tagtuyot—na magdudulot ng panganib sa 1.3 bilyong katao pagsapit ng 2050. (Agencé France Presse)