SUE RAMIREZ copy

NAPANOOD namin ang panayam kay Sue Ramirez sa Tonight With Boy Abunda (TWBA) at napahanga kami sa mga sagot niya.

Matagal na naming nakikitang palakad-lakad si Sue sa hallway ng ELJ Building ng ABS-CBN, kung minsan ay nagmamadali at kung minsan naman ay may kausap. Naagaw niya ang atensiyon namin nu’ng nasa Grub Restaurant kami at nagmamadali siya pero naharang siya ng fans na gustong magpa-picture sa kanya.

 

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Inakala namin na pagbibigyan lang ni Sue ng madaliang pictorial ang may sampung fans, pero na-impress kami dahil siya pa talaga ang umakbay sa lahat na paisa-isang nagpa-picture sa kanya at ‘yung ibang nahiya ay tinawag pa ng dalaga.

Genuine at ang ganda ng mga ngiti ni Sue habang nagpapa-picture, hindi katulad ng ibang artista na halatang ipinaparamdam sa fans na nakakaistorbo sila.

 Malapit si Sue sa fans o sa mga taong matiyagang nag-aabang ng kanilang idolo sa lobby ng ABS-CBN dahil naranasan din niyang maghintay ng matagal at mag-abang kung ano ang mangyayari sa kanya noong mag-audition siya para maging artista.

Ikinuwento niya kay Kuya Boy kung paano siya nadiskubre ng ABS-CBN, pumila siya sa audience entrance sa pagbabakasakaling matanggap siyang mag-artista para makatulong sa gastusin ng tatay niya na matagal nang paralisado.

“I was pang-697 po sa pila sa audience entrance, sobrang init po from 6:00 AM at 11:00 PM na po ako natapos. Grabe po ‘yung hope ko na sana makuha ako. And after a few days, Star Magic texted me for a call back,” kuwento ni Sue sa TWBA.

Sa napakahabang oras na ipinila, kahit isang oras na lang ay magpapalit na ng petsa, hindi niya naisip na umurong na lang.

“I didn’t feel anything, hindi po ako napagod, God has his ways po talaga na hindi ko naramdaman ‘yung, ‘ay aalis na ako, gutom na ako.’ At that time, wala akong phone (kasi bawal), wala akong pera kasi ‘yung mga kapatid ko nasa labas, bawal po kasi ang may kasama sa audition. Kumanta po ako sa audition, I sung Angels Brought Me Here, ‘tapos ‘pina-VTR po ako nila, tingin sa left, sa right.”

Nagpunta sa ABS-CBN si Sue dahil, “Napanood ko po kasi ‘yung commercials sa TV na may audition for Star Magic, sabi ko, try ko kaya? Hindi ko naman po talaga pangarap maging artista, naisip ko lang po kasi baka it would help the expenditures of my dad. Actually may pension naman siya, pero iba pa rin po ‘yung may nagagawa ka.”

 

Laking tuwa niya na sa first project pa lang ay isinama siya sa Pangako Sa ‘Yo nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo.

Magaan at maganda ang rehistro ni Sue sa TV camera kaya hindi siya nawawalan ng guestings. Ngayon, kasama naman siya sa Dolce Amore bilang kapatid ni Liza Soberano na nagkagusto rin kay Tenten (Enrique Gil).

Napanood din si Sue sa Maalala Mo Kaya bilang dancer sa club na ikinulong ng sindikato at nakakagulat na napapayag siyang magsuot ng panty at bra habang sumasayaw.

Marunong umarte, kumanta at sumayaw si Sue kaya hindi kataka-taka ang pagsikat niya.

Sa tanong ni Kuya Boy kung kailan naman siya bibigyan ng solo project, “In God’s perfect time”. Inamin din ni Sue na mahal niya ang mga taong sumusuporta sa kanya sa maikling panahon niya sa showbiz.

Maluha-luha ang dalagita nang sabihin sa kanya ng King of Talk na, ‘nararamdaman ko na sisikat ka ng husto dahil I’ve done a lot of interviews, but iba ang pinanggagalingan’.

“Tito Boy, thank you po, salamat po,” emosyonal na sabi ng dalagita. (Reggee Bonoan)