MAY isang mister ang umuwi mula sa simbahan at agad niyang binuhat ang kanyang misis at inilibot.

Nagulat ang kanyang misis at sinabing, “Bakit mo ‘to ginagawa? Sinabi ba sa inyo ng pari na maging romantic?”

Sumagot ang mister at sinabing: “Hindi. Sinabi niyang pasanin ko ang aking krus!”

Itinuturo ni Jesus ngayong ika-12 ng Linggo na para maging tagasunod niya, kinakailangang “carry his cross.” “If anyone wishes to be a follower of mine,” ani Jesus, “let him renounce himself and take up his cross and follow me” (Lk 9,23).

Mismong si Kristo ay kinailangang dumanas ng hirap. Ngunit sa paghihirap ni Kristo ay nagbigay-kahulugan ang paghihirap sa bawat problema. Nais niyang iparating na ang sakit ay parte ng ating pagkatao.

“Suffering is not a problem to be solved but a mystery to be lived.”

Ang krus na ating pasan-pasan ay maaaring pinansiyal, isang malalang sakit, ang pagkabahala ng isang kamag-anak na baka hindi na niya muling makausap ang mahal sa buhay.

Ang listahan ng problema ng mga tao ay walang-katapusan.

Ang mga problema ng mga tao hindi kontrolado ng tao gaya na lamang ng malubhang sakit o kaya’y mga kalamidad gaya ng baha o bagyo.

Ngunit karamihan sa mga ito ay maaaring iwasan.

Halimbawa, ang isang pamilya na nawalan ng sasakyan, bahay at lupa dahil sa pagkalulong ng ama sa sugal. Apektado ang mga bata dahil sa pagkakawatak-watak ng pamilya. Ang isang bansa ay hindi lamang naghihirap dahil sa pagiging kawalang-malasakit ng mga opisyal sa gobyerno kundi dahil din sa kurapsiyon.

Kung ating problema ay kaya nating resolbahin o hindi, mayroon itong “REDEMPTIVE” meaning. May kabutihan sa kasamaan, at may darating kapag may nawala.

Naalala ko tuloy ang isang mag-asawa na naghiwalay at namuhay ng kanya-kanya sa loob ng 10 taon. Nagkaroon ng bagong pamilya ang lalaki. Ngunit makalipas ang mga nagdaang taon, nagsisi ang lalaki at nangulila, at muling bumalik sa tunay niyang pamilya. Nangyari ito nang ma-diagnose ang lalaki na may pancreatic cancer.

Mabuti na lamang, muling tinanggap ng babae ang kanyang mister, at inalagaan niya ito hanggang sa pumanaw. Ang karamdaman ang naging daan ng lalaki upang magbalik-loob.

TANUNGIN MO ANG IYONG SARILI: Nakatutulong ba ako sa mga pinagdadaanang problema ng aking pamilya, katrabaho o mga kababayan? O ako ang dahilan kung bakit sila naghihirap? (Fr. Bel San Luis, SVD)