GINUGUNITA sa mundo ang World Day to Combat Desertification and Drought (WDCDD) tuwing Hunyo 17 upang isulong ang kamulatan ng publiko sa mga usaping may kaugnayan sa pandaigdigang pagtutulungan laban sa desertification o pagiging disyerto ng dating taniman at sa epekto ng tagtuyot sa mga apektadong bansa. Isa itong pambihirang okasyon upang paalalahanan ang lahat na maaaring epektibong talakayin ang tungkol sa desertification, na posible itong masolusyunan sa pamamagitan ng pinaigting na pakikibahagi ng mga komunidad at pakikipagtulungan sa lahat ng antas.

Ang tema ngayong 2016 ay “Inclusive Cooperation for Achieving Land Degradation Neutrality (LDN),” at may slogan na, “Protect Earth. Restore Land. Engage People,” para ipanawagan ang agarang pagkilos upang mapigilan ang pagkawala ng mga lupain at matamo ang land degradation-neutral world sa konteksto ng napapanatiling kaunlaran. Hinihikayat ng WDCDD ang pinakamahuhusay na hakbangin sa mga bansa upang makatulong sa pagbabawas sa matinding problema sa pagiging disyerto ng mga lupain dahil sa matinding tagtuyot.

Inilalarawan ng United Nations ang LDN bilang “a state whereby the amount and quality of land resources, necessary to support ecosystem functions and services and enhance food security, remains stable or increases within specified temporal and spatial scales and ecosystems.” Una itong ipinanukala sa COP10 noong 2011, at kalaunan ay napagkasunduan ang hangarin para sa LDN sa Rio+20 noong 2012. Ito ang puntirya para sa Goal 15 ng UN Sustainable Development Goals (SDGs): “Sustainably manage forests, combat desertification, halt and reverse land degradation, halt biodiversity loss.”

Nakatuon ang WDCDD sa kahalagahan ng pinag-isang kooperasyon at binalangkas na pagbabago sa pagpapaunlad ng lipunan, ekonomiya at kalikasan upang maibalik sa dati o maisaayos ang mga nawalang lupain at makapag-ambag sa pagsasakatuparan sa SDGs. Wala nang mas malaking usapin kaysa lupa na labis na makaaapekto sa bawat mamamayan sa mundo, dahil mula sa pagkain hanggang sa kasuotan at tirahan, ang lahat ay nagmumula sa lupa.

Isang pandaigdigang pangyayari na banta sa 1.2 bilyong katao sa 168 bansa, ang desertification ay ang pagkawala ng orihinal na lagay ng lupa na kapag sinabayan ng tagtuyot, ay tuluyan nang nawawalan ng silbi ang dating matabang lupa, at naglalaho na ang yamang tubig, gayundin ang pagiging akma nito sa pagtatanim at maging ang hayop, dahil sa pag-iiba-iba ng klima at pagbabago sa mga aktibidad ng tao, gaya ng malawakang pagtatanim, pag-abuso sa kagubatan para sa petrolyo at troso, pagkakalbo ng mga puno at damuhan, at maling irigasyon.

Mahigit 12 milyong produktibong ektarya ang nangakatiwangwang na lang ngayon at hindi mapakinabangan dahil sa desertification at tagtuyot, na matinding banta sa seguridad ng tao sa pamamagitan ng pagkakait ng pagkain, tubig, kabuhayan at maging tahanan, ayon sa ulat ng UN. Inirerekomenda ang pagpapasigla sa kagubatan, muling pagtatanim ng mga puno, at pangangasiwa sa tubig upang maibsan o mabaligtad ang epekto ng desertification. Hinihimok ang mga bansa na papagyamaning uli ang mga nakatiwangwang na lupa upang matiyak ang seguridad sa pagkain at tuluy-tuloy na epektibong mapangasiwaan ang mga lupa upang mapaigting ang pagbangon ng mga komunidad at ng kalikasan. Ang mga gawain ng tao, gaya ng pagkakalbo sa kagubatan at pagsusunog sa bahaging gagawing taniman ay maaaring mapigilan ng epektibong pagsasaka. Natataya na ang pagtaas ng temperatura at naaaksiyunan na rin ito. Ang mga usapin sa paglalaho ng taniman ay makikinabang sa mga programang nakatuon sa komprehensibong paggamit at pagpaplano sa lupa, sa agrikulturang hindi nakasisira sa kalikasan, sa pangangalaga sa biodiversity, at sa pagkontrol sa epekto ng climate change.