HUSTONG kalahating daang taon na ngayon nang ako’y magsimula bilang isang mamamahayag; nang tanggapin ko ang first baptism of fire, wika nga, sa dating Manila Times Publishing noong Hunyo 16, 1966. Ito ang itinuturing kong Golden Date – 50 taong pakikipagsapalaran bilang alagad ng Fourth Estate, ang tinaguriang ikaapat na sangay ng estado na kinabibilangan ng mga miyembro ng media.

Sa loob ng mahabang panahon sa larangan ng peryodismong Pilipino, isang coverage o assignment ang hindi ko malilimutan; makapigil-hininga at nakakikilabot. Ito ang pagbitay, sa pamamagitan ng silya-elektrika, sa tatlo sa apat na nahatulang gumahasa sa isang sikat na aktres. Hindi ko na tutukuyin ang kanilang mga pangalan alang-alang sa katahimikan ng kanilang kaluluwa.

Bilang isa sa 12 reporter na pinahintulutang makapasok sa death chamber sa National Bilibid Prison (NBP) noong dekada 70, nasaksihan ko ang sunud-sunod na pagbitay sa tatlong nanggahasa; kung paano sila nangisay dahil sa 2,500 watt na metal na nakapatong sa kanilang ulo. Ang iba pang eksena ay bahagi na lamang ng aking kahindik-hindik na karanasan bilang isang police reporter.

Tinampukan din naman ng mga makatuturang misyon ang aking mahabang panahon sa peryodismo, sa iba’t ibang political beat. Subalit ang nabanggit na pagbitay ay naging bahagi ng aking paninindigan hinggil sa paglipol ng mga kriminal.

Ang muling pagpapatupad ng death penalty ay isang epektibong hadlang sa karumal-dumal na krimen, tulad ng panggagahasa sa nasabing aktres. Ang nabanggit na panghahalay, mula noon, ay hindi na nasundan.

Pahapyaw ko na lamang babakasin ang aking 50 taon sa pamamahayag. Tulad ng maraming peryodista, nagsimula ako bilang proof-reader sa orihinal na Manila Times-Daily Mirror-Taliba (TMT) noong 6-16-66. Kalaunan, naging police at political reporter. Subalit ito ay pinutol nang ideklara ang martial law na mistulang pumatay sa lahat ng media outfit.

Kaagad naman akong tinanggap ng iba’t ibang pahayagan na pinayagang maglathala sa kainitan ng martial law. Kabilang na rito ang pahayagang ito na pinamunuan ko bilang editor-in-chief. Kasabay ito ng aking pagkakahalal bilang National Press Club president sa loob ng limang termino. Kalaunan, “ipinahiram” ako ng Manila Bulletin bilang Press Undersecretary sa President Ramos administration. Matapos “isauli”, muling naging editor hanggang sa magretiro, at isang kolumnista na ngayon.

Magpapatuloy pa rin tayong mamayagpag bilang tagapagtaguyod ng Peryodismong Pilipino. (Celo Lagmay)