BINAWI ng Association of Southeast Asian Nations ang kalalabas lang nito na matapang na pahayag kaugnay ng sigalot sa South China Sea na posibleng ikinagalit ng punong abala sa pulong, ang China, binigyang-diin ang pagiging maselan ng tumitinding agawan sa teritoryo sa rehiyon.
Martes ng gabi nang ilabas ang pahayag mula sa samahang pang-rehiyon na may 10 kasapi, kasunod ng pulong ng China at ASEAN sa katimugang siyudad ng Yuxi na ipinatawag upang talakayin ang tensiyon sa kontrobersiyal na daanan ng mga naglalayag.
Ang grupo “cannot ignore what is happening in the South China Sea as it is an important issue in the relations and cooperation between ASEAN and China,” saad sa pahayag.
“We expressed our serious concerns over recent and ongoing developments, which have eroded trust and confidence, increased tensions and which may have the potential to undermine peace, security and stability in the South China Sea,” bahagi pa ng pahayag.
Ang opisyal na pahayag na ito ng ASEAN ay inilabas nitong Martes ng gabi ng Malaysian Foreign Ministry sa isang online chat group—na siya ring bumawi sa pahayag. Hindi malinaw kung magpapalabas ng inamyendahang pahayag, bagamat nagpalabas na ang mga indibiduwal na kasapi, gaya ng Singapore, ng sarili nitong pananaw at binanggit ang sarili nitong pangamba tungkol sa South China Sea.
Bagamat walang direktang akusasyon ang pahayag sa China, tinukoy nito ang pagkabahala sa pangangamkam ng mga isla na tumutugon sa pagtatayo ng Beijing ng mga artipisyal na isla, mga airstrip, at iba pang imprastruktura sa lugar.
Ipinalalagay ng marami na isa itong malinaw na hakbangin upang mapatatag ng China ang pag-angkin nito sa halos buong South China Sea sa pagbabago ng aktuwal nitong heograpiya at pagpapaigting ng pagtatalaga ng mga tropang militar sa lugar.
“We emphasized the importance of non-militarization and self-restraint in the conduct of all activities, including land reclamation, which may raise tensions in the South China Sea,” saad sa pahayag.
Bibihirang naglalabas ng maririing pahayag ang ASEAN sa mga usaping pangrehiyon dahil maaari itong magbunsod ng pagkakawatak-watak ng 10 kasapi na kinabibilangan ng apat na bansa—ang Pilipinas, Malaysia, Vietnam, at Brunei—na direkta ring umaangkin sa ilang bahagi ng South China Sea, na itinuturing naman ng China na teritoryo nito. Ang pag-angkin ng China ay sumaklaw din maging sa exclusive economic zone ng ikalimang kasapi ng ASEAN, ang Indonesia.
Miyembro rin ng ASEAN ang Cambodia at Lao, mas maliliit na estado na labis na naiimpluwensiyahan ng China.
Itinuturing na ipinagtatanggol ng mga ito ang Beijing sa paggiit na maaaring maresolba ang agawan sa teritoryo sa pamamagitan ng pag-uusap sa pagitan ng mga bansa, kaysa pakikipagtalakayan ng China sa buong ASEAN.
Mariing tinututulan ng China ang pakikialam ng ikatlong partido sa usapin, tinuligsa at tumangging makibahagi sa kasong pormal na idinulog ng Pilipinas sa isang international arbitration panel para kuwestiyunin ang pag-angkin ng Beijing sa mga isla sa South China Sea, na dinidinig ngayon ng United Nations Convention on the Law of the Sea.
(Associated Press)