MATAPOS aksiyunan ng mga mambabatas ang nakadidismayang diskriminasyon sa kasarian o gender discrimination, tinuldukan naman nila ngayon ang walang pakundangang pagtatanggi sa pagtanggap ng mga kawani batay sa kanilang edad.

Ibig sabihin, natauhan din ang mga mambabatas sa pagkilos laban sa gayong employment discrimination na matagal nang umiiral sa sistema ng paggawa sa bansa; na patuloy na nagiging balakid sa may mga edad, wika nga, na naghahangad mamasukan sa mga pribadong kumpanya.

Itinatadhana ng Anti-Age Discrimination in Employment Act of 2016 na halos tiyak nang maisasabatas ang pagbabawal sa mga employer na magpaanunsiyo sa media o Internet ng mga limitasyon at diskriminasyon sa pagtanggap ng mga empleyado batay lamang sa edad; kabilang din sa pagbabawal ang pagkakaloob ng promosyon, training opportunities, sahod at iba pang pribilehiyo. Kaakibat ng paglabag sa batas ang multa at pagkabilanggo.

Hindi pa nilalagdaan ni Presidente Aquino ang nabanggit na panukalang-batas. Subalit mismong mga awtor nito, si Outgoing Senator Pia Cayetano, ang tumiyak na ito ay magiging batas pagkaraan ng 30 araw kahit walang lagda ng Pangulo. Sinasabing ito ay hindi na dadaan sa bicameral conference committee sapagkat napagkasunduan na itong pagtibayin ng dalawang kapulungan – Senado at Kamara.

Sa anu’t anuman, ang nabanggit na panukala ay matagal na sanang dapat naisabatas. Ang diskriminasyon sa edad sa pagtanggap ng mga kawani ay isang kalbaryo na matagal nang pinapasan ng mga manggagawa. Ang limitasyon sa edad ay hindi dapat maging barometro sa pagiging epektibo ng isang kawani. Kahit na ang isang nakatatandang mamamayan ay nagtataglay pa ng mga katangiang katulad o higit pa sa angkin ng mga kabataan. Matatalas pa ang kanilang pag-iisip, tulad ni Senador Juan Ponce Enrile at iba pang nakatatandang lingkod ng bayan.

Sa bahaging ito, dapat ding matauhan ang mga mambabatas sa paglipol ng kasumpa-sumpang “end-of-contract” policy. Isa rin itong kalbaryong pinapasan ng mga manggagawa na dapat matuldukan sa pamamagitan ng isang batas. Walang dahilan upang ito ay hindi maaksiyunan, lalo na kung iisipin na ang naturang patakaran ay nagkakaisang tinutulan ng limang presidential bets noong nakalipas na halalan. Batid nila na ito ang kinakasangkapan ng mga mapagsamantalang negosyante sa pagtanggap ng mga manggagawa.

Isa rin itong anyo ng diskriminasyon. (Celo Lagmay)