SA panahon ng enrollment at tuwing magpapasukan, tradisyon at kalakaran na kung ituring at may bendisyon palagi ng Commission on Higher Education (CHED) ang pagtataas ng matrikula ng mga pribadong paaralan. Ngayong school year, umaabot sa 304 na unibersidad ang pinahintulutang magtaas ng matrikula. Nagpahayag naman ang Department of Education (DepEd) na may 1,232 pribadong paaralan, elementary at highschool, ang pinayagang magtaas ng tution fee. Sa pahayag ng CHED, ang bilang ng higher education institution (HEIs) na pinayagang magtaas ng matrikula ay nasa 18 porsiyento ng kabuuang 1,659 na pribadong paaralan sa bansa.

Ayon pa kay CHED chairperson Patricia Licuanan, sa pagtataas ng matrikula nasunod ng mga pribadong paaralan ang konsultasyon sa mga magulang at mag-aaral. Ang ibang paaralan na hindi nagtaas ng matrikula ay bumawi naman sa miscillaneous fee. Sa pagtataas presyo ng matrikula, taun-taon, ang CHED ay parang tambolero at tagapagsalita ng mga pribadong kolehiyo at unibersidad.

Ang palaging idinadahilan sa pagtataas ng matrikula ay para umano sa dagdag-suweldo, allowance at iba pang benepisyo ng mga guro at non-teaching personnel. Ang 20% ay para sa pagmamantine ng mga pasilidad at ang 10% naman ay para sa kita o return of investment ng paaralan.

Kahit anong paliwanag ng CHED, ang pagtataas ng matrikula ay malinaw na pandurukot sa bulsa ng bawat magulang na pagpapaaral. May nagsabi naman na isa itong maliwanag na kasibaan sa tubo ng mga tuso at ganid na may-ari, magkakasosyo at nagpapatakbo ng mga paaralan. Sa bawat pagtaas ng matrikula, pabigat at kalbaryo ito sa mga magulang na halos igapang at ipangutang ang pagpapaaral ng kanilang mga anak. At sa mga anak naman na marunong magpahalaga sa hirap at sakripisyo ng kanilang mga magulang, ang matrikula ay sinasabi nilang pawis at dugo ng mga magulang.

Dahil dito, asahan na aapaw na naman ang enrollment sa mga public national high school sapagkat marami ang lilipat na mag-aaral. Hindi na kasi kayang bayaran ang mataas na matrikula sa pribadong paaralan. Mapipilitan naman ang ibang magulang na ilipat ang kanilang mga anak sa mga state college and university makapagpatuloy lamang ng pag-aaral ang mga anak. Bunga nito, maramimg anak ng mahihirap ang napagkakaitan ng pagkakataon na makapagtapos.

May nagpahayag naman na mga matinong educator at retiradong guro na dahil sa pagtaas ng matrikula, ang edukasyon sa iniibig nating Pilipinas ay ginagawa na ring negosyong tubong nilugaw at mina ng ginto. (Clemen Bautista)