IPINAGDIRIWANG ng buong bansa ngayon ang ika-118 taong kalayaan ng Pilipinas na pinagbuwisan ng buhay ng mga dakilang Pilipino na ang adhikain ay makawala sa paniniil ng mga dayuhan. Noon, nakakadena ang kalayaan ng mga Pilipino, tikom ang bibig at hindi masambit ang nasa saloobin dahil supil at sikil ng mga banyagang napadpad sa ating pampangin hindi upang tumulong sa kaunlaran, kalayaan at kapayapaan, kundi samantalahin ang likas na yaman ng bansa at abusuhin ang mga mamamayan na pinanatiling mga ignorante at pinaasa sa kanilang tulong.

Ngayong 2016 na paalis na ang Tuwid na Daan ni Pangulong Noynoy Aquino at papasok naman ang Duterte administration, maraming nangangamba na baka ang malayang pamamahayag ay makompromiso bunsod ng mga maaanghang na pahayag ni President-elect Rodrigo Roa Duterte (RRD) laban sa mga Pilipinong mamamahayag.

Maging ang mga eksperto mula sa United Nations ay pinaaalalahanan si RRD na huwag manghikayat ng karahasan sa pamamagitan ng pagpatay sa pinaghihinalaang corrupt journalists at summary executions sa mga drug lord-trafficker-pusher. Sa Pilipinas, nagbabala naman ang ilang mambabatas, kabilang na rito si ex-PNP Chief Panfilo “Ping” Lacson, hinggil sa mapanganib na pahayag ni President Rody tungkol sa citizens’ arrest. Aba naman, si Lacson lang ba ang tatayo at kokontra kay Digong, o takot kayong lahat sa kanya?

Sa ganitong uri ng pag-aresto, inihayag ni RRD na maaaring barilin at patayin ng isang sibilyan ang sino mang drug pusher na hinuhuli pero nanlalaban. Handa pa niyang bigyan ng P5 milyong pabuya ang makahuhuli, patay o buhay, sa sangkot sa illegal drugs. Malaking insentibo ito upang magsumikap ang sino mang alagad ng batas o sibilyan upang manghuli o pumatay ng drug pusher-lord-trafficker bunsod ng malaking pabuya. Subalit, delikado ito sapagkat maaaring pumatay ang isang sibilyan o law enforcer ng isang tao dahil lang sa suspetsang ang biktima ay isang drug pusher o user. Kahit ang mga kriminal ay kailangang dumaan sa due process, at hindi basta-basta babarilin o papatayin.

Tahasang pinagsabihan ni Cristof Heyns, UN speciall rapporteur on summary executions, kaugnay sa mga komento ni RRD na hindi exempted ang mga journalist sa asasinasyon ay “irresponsible and unbecoming of a leader.” Pahayag ni Heyns: “Ang ganitong pahayag ay katumbas ng panghihimok sa karahasan at pagpatay sa isang bansa na pangalawa (second deadliest) sa pinakamapanganib na lugar para sa mga mamamahayag.”

Sinabi ni Heyns na ang ganitong pahayag ng magiging lider ng bansang itinuturing ang sarili bilang demokratikong nasyon ay iresponsable at hindi kanais-nais. Sinabi naman ni David Kaye, UN special rapporteur on freedom of opinion and expression, na “justifying the killing of journalists on the basis of how they conduct their professional activities can be understood as a permissive signal to potential killers that the murder of journalists is acceptable in certain circumstances and would not be punished”.

Lubhang nakababahala ang ganitong patakaran ng magiging lider ng bansa, ayon kay Kaye, lalo na ngayong ang Pilipinas ay nakikipagbuno at nagsusumikap na matiyak ang pananagutan ng mga taong sangkot sa kakila-kilabot na kaso, gaya ng Maguindanao massacre, na ikinamatay ng 32 media people.

Bulong nga sa akin ng kaibigang palabiro, pero sarkastiko: “Kung merong Rapporteur sans Frontieres o Reporters without Borders, namumuo naman sa ‘Pinas ang Dictatorship without Direction.” (Bert de Guzman)