SA panaderya dating nagtatrabaho ang Venezuelan na si Julio Noguera. Ngayon, magdamag siyang abala sa paghahanap ng makakain sa mga tambakan ng basura.

“I come here looking for food because if I didn’t, I’d starve to death,” sinabi ni Noguera habang naghahalungkat ng makakain sa santambak ng inaamag na patatas. “With things like they are, no one helps anyone and no one gives away meals.”

Sa kalapit na bayan, nagtitipun-tipon tuwing madaling araw ang mga walang trabaho sa isa pang tambakan sa bangketa ng Caracas upang mamulot ng uubra pang kainin sa nangabubulok na prutas at gulay na itinapon ng mga kalapit na tindahan. Karaniwang kasama nila ang may-ari ng maliliit na negosyo, mga estudyante sa kolehiyo at mga pensiyonado—mga itinuturing ang sarili na middle class bagamat ang uri ng kanilang pamumuhay ay matagal nang isinadlak ng triple-digit inflation, kakapusan sa pagkain at bumubulusok na currency.

Bahagyang naibsan ang kahirapan sa Venezuela sa ilalim ng administrasyon ng yumaong si President Hugo Chavez. Ngunit batay sa pag-aaral ng tatlong pangunahing unibersidad sa Caracas, 76 na porsiyento ng mga Venezuelan ngayon ang nasa ilalim ng poverty line, kumpara sa 52 porsiyento noong 2014.

Ang mga pangunahing pagkain gaya ng harina at mantika ay may subsidiya, na sinasagot ng mas malakas sa dalawang opisyal na exchange rates. Ngunit ang prutas at gulay ay isa na ngayong luho para sa maraming pamilyang Venezuelan.

“We’re seeing terrible sacrifices across many sections of society,” sabi ni Carlos Aponte, isang sociology professor sa Central University of Venezuela. “A few years ago, Venezuela didn’t have the kind of extreme poverty that would drive people to eat garbage.”

Habang ang ilan ay sa mga tambakan ng basura naghahalungkat ng makakain, marami ang sumusugal sa oportunidad na kumita ng kakapiranggot sa pagsasaayos at muling pagbebenta sa ilang itinapong prutas at gulay na ang ilan ay marami nang pasa.

Ilang gabi lang ang nakalilipas, nagawa ni Noguera na makakolekta ng may isang dosenang patatas.

“I’m a trained baker, but right now there’s no work anywhere here. So I make do with this,” aniya.

Hindi bago sa Venezuela ang pangangalakal sa tambakan, ngunit nagiging karaniwang aktibidad na ito ng marami sa ngayon. Noon, ang Venezuela ang pinakamayaman sa South America, ngunit dahil sa pagsadsad ng presyo ng produktong petrolyo, na sinabayan pa ng pananamlay ng ekonomiya, nasadlak ngayon sa kahirapan ang bansa.

Halos kalahati ng mga Venezuelan ngayon ang nagsasabing hindi na nila kayang kumain nang tatlong beses sa

maghapon, ayon sa bagong sarbey ng lokal na kumpanyang Venebarometro. Tinanong ng poll ang 1,200 adult sa loob ng kani-kanilang bahay noong unang linggo ng Abril.

Sinisisi ng gobyerno ang oposisyong pulitikal, inakusahan ito ng paglulunsad ng “economic war” upang himukin ang pagpapatalsik sa puwesto kay President Nicolas Maduro. Naglunsad na ang administrasyon ng agresibong programa upang magtayo ng mga urban farm sa pagsisikap na maresolba ang problema sa matinding kakapusan sa pagkain.

(Associated Press)